Eric Quizon bagong bossing ng Star Center!
Full blast ang Net 25 pagpasok ng 2023.
At ang kasama sa mga uumpisahan nila pagpasok ng bagong taon, ang kanilang sariling talent arm, ang Star Center.
At ang bossing nito, si Eric Quizon.
Kahapon ay pumirma na nga ng kontrata si Eric.
Naganap ang pirmahan ng contract sa Net 25 building kasama ang president ng network na si Mr. Caesar Vallejos at executive ng Net 25 na si Ms. Wilma Galvante.
Ayon kay Mr. Vallejos part ito ng efforts ng Net 25 na mag-develop ng sariling talents.
Bago ang pagiging head ng Star Center, napapanood na si Eric sa isa sa pinaka-successful na show ng Net 25, ang Quizon CT, every Sunday, 8:00 p.m.
Kasama ni Eric dito sina Epy and Vandolph Quizon at wife ni Vandolph na si Jenny.
Traditional ang formula ng Quizon CT na sabi nga ni Mr. Vallejos ay sinusundan ang yapak ng kanilang amang Comedy King na si Dolphy.
Kaya naman napakalakas aniya nito sa rating at sa social media.
Dagdag pa ni Ka Caesar, marami na silang stars na in the pipeline at kasalukuyang inaayos pero ayaw pa niyang i-divulge.
Recently lang ay nagkaroon ng launching ang tagline nilang Let’s NET together sa Net25 bilang kampanya sa wholesome family programming.
So may bagong kalaban na talaga ang Star Magic ng ABS-CBN at Sparkle ng GMA Artist Center.
Angelica, sinagot ng customs
Mabilis ang sagot ng Bureau of Cutoms kahapon kay Angelica Panganiban.
Ito ay matapos magpasaklolo ang aktres sa social media kung bakit mas mahal pa ang sinisingil ng Customs kesa sa presyo nang binili niyang swimsuit sa abroad.
Tweet niya : “Hmmm… pano ma contact ang customs? May binili akong swimsuit, 7k yung amount. Pero pinapabayaran ako ng 8,211 pagka-deliver sa akin “naloka po me.”
Marami naman agad nag-replay sa nasabing tweet ng bagong inang actress na nakaka-relate raw sila kay Angelica.
In all fairness, nag-reply ang BOC sa Twitter: “Good day, Angelica. We will look into this matter. To assist you with your concern, you may contact the Bureau of Customs hotline at 8705-6000. You may also send the tracking details of your package through email at [email protected]. Thank you very much.”
Pero na-hurt ang ibang netizens na pag pala sikat, ang bilis ng reply ng BOC. “Sana all sikat ambilis naman non,” hanash ng isang twitter user.
Habang sinusulat namin ito ay wala pa ulit update si Angelica.
Joshua, pahinga sa vlogging
Tama rin ang desisyon ni Joshua Garcia na tantanan na muna sa vlogging at mag-concentrate sa kanyang career.
“Hindi lang siya talaga para sa akin. Ako, ang tagal kong tinigilan ang vlog. Nag-vlog lang ako no’ng nag-pandemic kasi nga wala akong magawa, nasa bahay ka lang. ‘Yung time na ‘yon ‘yung nag-trend. Halos lahat ng artista nagba-vlog noon. So sabi ko, ‘Why not? Bakit di ko subukan?’ pero malalaman mo kasi kapag para sa iyo,” aniya sa lumabas niyang interview.
Well, may plano naman daw siyang balikan, pero probably iba na ang content.
“Kung sakaling magbalik man ako, gusto ko may content ako na ibibigay na hindi nakikita ng tao talaga. Kasi ngayon parang halos parehas na ang inilalabas. Ngayon medyo busy pa. Hindi naman tamad, marami lang ginagawa. Pinrivate ko nga ang mga videos ko. Kasi no’ng pinapanood ko no’ng tumatagal, ‘Ang baduy ko naman dito, bakit ko ba ginawa ito?’ So pinrivate ko na, baka pag-arte lang ang kaya kong gawin sa ngayon,” sabi pa ng aktor.
Naging active si Joshua sa pagvo-vlog noong pandemya.
Maraming nalalaos kumabagang artista ngayon dahil mas naging vlogger na sila kesa naging artista.
Nawalan na sila ng mystery dahil andun na lahat sa kanilang vlog.
Karamihan din na artista, dito na kumikita kaya pag may isyu-isyu dito na rin sinasagot.
Pero ang siste, nawalan sila ng premium.
- Latest