Magbubukas daw ng category para sa transgenders ang Mutya Ng Pilipinas pageant ayon sa president nito na si Ms. Cory Quirino.
Noong taong 2011 pa raw naisip ng naturang pageant na magkaroon ng kategorya para sa mga transgender. Pero magiging malaking issue raw ito kaya ilang taon pa ang lumipas bago naisatupad ang hangarin na ito.
Wala pa naman daw nababanggit si Ms. Cory kung kelan magsisimula ang search para sa Mutya transgender, pero desidido nga itong maging kauna-unahang national pageant para sa mga transgender.
Anyway, sa Dec. 4 na ang coronation night ng Mutya Ng Pilipinas pageant sa San Juan Arena. Dalawang taong hindi nagkaroon ng pageant ang Mutya dahil sa COVID-19 pandemic. Kaya ito ang pagbabalik ng 50-year old pageant. Ang huli nilang Mutya ng Pilipinas title holder ay si Klyza Castro na nanalo nung 2019 pa.
Marami na rin daw ginawang pagbabago ang Mutya sa pagpili ng kanilang mga candidate. Eligible na raw ang sumali ang mga nasa edad 28 at pati sa height requirement ay pasok na ang mga may taas na 5’4.”
Ang Mutya Ng Pilipinas ang dating may hawak sa franchise ng Miss Asia at Miss World mula 1977 hanggang 1991. Hawak pa rin ng Mutya ang Miss Asia Pacific International, Top Model of the World and Miss Tourism International.
Aubrey, handa na ulit magtrabaho
Ilang projects pala ang tinanggihan muna ni Aubrey Miles dahil naging priority nito ang anak nila ni Troy Montero na si Rocket na na-diagnose with autism spectrum disorder.
Pagkaraan ng ilang buwan, may magandang improvement na raw sa pinagdaanang therapy ni Rocket.
Inamin ni Aubrey na hindi raw madali para sa kanila ni Troy na matanggap noong una ang naging sakit ng kanilang bunsong anak. Pero hindi raw sila pinanghinaan ng loob at pamilya nilang hinarap ang lahat.
Sinasama na nila si Rocket sa ibang events para raw masanay na itong makipag-interact sa ibang mga bata.
Dahil sa nakikitang improvements ni Rocket, ready na ulit si Aubrey na tumanggap ng taping. Hindi na raw kasi lock-in ang mga taping ngayon kaya makakauwi siya parati para maasikaso pa rin ang anak na may special needs.