Mukhang tapos na ang kumportableng lagay ng komedyanteng si Vhong Navarro sa NBI, matapos na magpalabas ang Taguig RTC branch 69 ng isang commitment order na nag-uutos na ilipat siya sa Taguig City Jail. Bagama’t may utos ang korte na walang bail ang kaso, nanatili pa rin si Vhong sa NBI kung saan mas maganda ang kondisyon kaysa sa City Jail.
Ang dapat sana, matapos na sumuko sa NBI at nakulong doon, inayos na agad ang kanyang papeles para sa paglilipat sa City Jail, pero hindi nga nangyari iyon dahil sa katuwiran nila noong araw na may petition for bail pa si Vhong.
Pero alam naman kahit na ng legal team ni Vhong na dapat ilipat siya talaga sa custody ng Taguig City Jail habang wala pang piyansang itinakda ang korte, dahil ang kaso ay nasa Taguig RTC. Ngayon inaayos na raw ng NBI ang kanyang papeles sa paglilipat, kung ilang araw, o linggo, o maaaring buwan, tatagal ang pag-aayos ng papeles ng paglilipat, hindi rin natin alam.
Sa City Jail mahihirapan si Vhong.
Kaya ba niyang kainin ang pagkain doon? Kung dadalhan naman siya ng pagkain araw-araw, baka kaiinggitan siya ng ibang preso.
Kung sabagay, maaari naman siyang ihanap ng mas magandang selda roon. May nagsasabi naman na baka iyang commitment order ay para lang pagbigyan ang petition ng kampo ng nagdemandang si Deniece Cornejo, at tapos papayagan nang makapagpiyansa si Vhong.
Hindi natin alam iyan. Kailangan nating hintayin ang desisyon ng korte. Hindi dapat na pinangungunahan ang desisyon ng korte.
Ang masakit, baka nga mag-Pasko pa sa City Jail si Vhong. Pero makakatulong siya roon, maaari siyang magbigay ng entertainment sa mga kapwa preso sa Pasko.
Tom at Carla, walang umaamin sa dahilan ng hiwalayan
Hindi pa rin nagbibigay ng isang tuwirang statement si Carla Abellana at sinabing hindi lang isa kundi maraming dahilan ang paghihiwalay nila ng dating asawang si Tom Rodriguez, ilang buwan lamang matapos ikasal.
Divorced na sila ni Tom sa Amerika dahil si Tom ay isang American citizen, at sa ilalim ng ating batas, kikilalanin ang diborsiyo sa pagitan ng isang Pinoy at isang foreign national, kung may divorce law sa bansa noon. Kaya nga siguro wala pang notice, pero legal na iyan. Hindi lang maaaring mag-asawa si Tom, maaari na ring mag-asawa sa iba si Carla pero kailangan din nilang ayusin ang kasal nila rito.
Pero may mga kasong matapos na mag-divorce, lumalabas na mahal pa rin nila ang isa’t isa, kaya nagpapakasal sila ulit.
Male starlet, napilitang pasukin ang prostitusyon dahil sa kahirapan
“Mahirap ang buhay namin ngayon,” pagtatapat ng isang baguhang male starlet. Binayaran lang daw siya ng P7,500 para sa tatlong araw na shooting ng isang indie para sa internet streaming, at tatlong ulit pa raw siyang pinaghubad doon.
Hindi pa rin daw naibibigay ang bayad, na ang pangako ay ibibigay pagkatapos ng dalawang araw na magsimula ang internet screening. Inamin niya na dahil doon kaya maraming kagaya niya ang “suma-sideline,” dahil kung hindi “magugutom kami.”
Patuloy na tumataas ang presyo ng bigas na imported mula sa Vietnam at Cambodia. Inaasahan din ang pagtaas ng presyo ng galunggong na imported na rin. Mahal kahit na local na sardinas dahil imported din ang lata. Pero sana hindi maging dahilan iyan para mas lumaganap pa ang prostitusyon.