Daniel, inaabangan kung makakalusot sa Eddys!
Sa Nov. 27 idaraos ang isa pang award, na actually mas pinagtitiwalaan namin, ang EDDYS. Ang tatayong mga hurado riyan ay entertainment editors ng mga lehitimong diyaryo.
Kung masama ang choice nila, hindi lang sila ang apektado kundi pati mga diyaryo nila. Isa pa, iyan ang award na wala pa kaming naririnig na “lakaran.”
Ayaw naming mag-comment sa nominees nila, dahil sa totoo lang, hindi namin napanood ang mga pelikulang iyon. Inilabas ang mga pelikulang iyan nang limitado pa ang maaaring manood ng sine, at iyong iba naman ay sa Internet lang.
May mga pelikula ngang ni hindi namin narinig dahil siguro sa Facebook lang napag-usapan.
Pero ang gusto naming puntuhan ay iyong best actor award. Muli, nominated na naman si Daniel Padilla para sa isang indie movie na kanyang ginawa.
Madalas siyang nominated pero sa ibang awards, parang hindi siya napansin.
Pero iyong naging nominee siya sa lahat halos ng lehitimong awards, ok na iyon. Ngayon, hindi namin alam kung bibigyan ng konsiderasyon ng editors si Daniel para sa award nila.
Kung pagbabatayan ang mga naunang awards, tila malabo ang chances ni Daniel. Talo siya lalo na doon sa mga “lakaran and gibsung awards” dahil hindi naman niya gagawin ang ganoon para lang magpa-star.
Pero walang duda na sa nominees, siya ang popular choice. Hindi biru-biro ang dami ng kanyang fans kung ikukumpara sa kanyang mga kalaban. Kung mananalo si Daniel, ano man ang sabihin ninyo, tanggap iyan ng publiko.
Sa ngayon magiging malaking boost kung mananalo ng award si Daniel, lalo na nga kung manggagaling sa editors. Hindi kumita ang kanyang indie.
ABS-CBN, bongga sa collab sa GMA
Panalo ang ABS-CBN sa pakikipag-collab nila sa GMA 7 ng isang serye nina Richard Yap at Jodi Sta. Maria.
Sa ABS-CBN kasi ang produksyon o pagbuo ng show, at ilalabas lang iyon sa GMA 7. Kung iisipin, talo agad ang artists at creative staff ng GMA, dahil parang sinabi sa kanila na makakapasok sa kanilang teritoryo ang mas magaling.
Makakapasok sila sa GMA nang collab, hindi gaya ng iba na nagbabayad ang ABS-CBN ng air time para sila makapasok.
Papaano man ang maging hatian nila sa kita, lamang pa rin ang ABS-CBN, kaysa kung magbabayad sila ng air time. Definitely, mas mahal ang babayaran nila sa GMA kaysa sa ibinabayad nila sa blocktime agreement nila sa TV5 at lalo na sa Zoe TV.
Kung blocktime rin iyan at kailangan silang magbayad ng airtime sa GMA, wala na silang kikitain. Ngayon may kikitain na sila, makukuha pa nila ang maximum exposure para sa kanilang istasyong dalawang taon nang walang prangkisa.
Baguhang aktor, pinauwi nang tumanggi sa hubaran
Nagulat ang isang male newcomer, dahil pagkatapos ng kanilang “acting workshop” ipinatawag daw siya ng isang facilitator at pinaghuhubad. Nang tanungin daw niya kung bakit, sinabi noon na kailangang makita nila ang kanyang katawan, pati na ang kanyang private parts para maisama siya agad sa cast ng isang sex movie na gagawin nila.
Nangatuwiran daw ang baguhan na hindi naman siya nag-workshop para sa mga pelikulang hubaran. Pinauwi na raw siya ng workshop facilitator at sinabi sa kanyang huwag na siyang babalik kung hindi rin siya maghuhubad.
Ganoon na ba talaga ang kalakaran?
- Latest