Ate Vi 60 years na sa showbiz, walang planong mag-retire!
Nagpapasalamat si Ate Vi (Vilma Santos) na naka-60 taon na siya sa showbiz nang magsimula siya noong nine years old pa lamang.
Ano ang pakiramdam ng isang artistang nakarating na sa ika-60 taon niya sa show business?
“To be honest, very thankful ako. Hindi lahat ng artista umaabot sa ganyan. Nagsimula ako sa Trudis Liit, nine years old ako,” umpisa niya.
Pagpapatuloy niya : “Actually nakapag-audition na ako at may ginagawang pelikula. Natatandaan ko ang director ko doon si Mr. S.Torres. Tapos si direk pa ang nagsabi kay Mama na may isa pang audition sa kabilang studio. Dalhin daw ako dahil magandang project iyon.
“Pinag-audition ako. Pinakanta. Pinasayaw, pinaiyak. Tapos nakuha nga ako para sa Trudis Liit. Ang naging director ko doon si Jose de Villa. Iyong kuwento sinulat ni Mars Ravelo. Iyon ang lumabas na unang pelikula ko dahil mas naunang ipinalabas iyon kaysa doon sa nauna kong ginawa. Sa Trudis Liit, una akong nanalo ako ng award bilang best child actress noong 1963 sa FAMAS,” kumpisal niya.
“Hindi rin namin inaasahan na magiging artista ako nang ganito katagal. Ang nasa isip daw nina Mama, hanggang bata lang ako, tapos balik na ako sa normal na buhay. Kaya nga hindi ako tumigil sa pag-aaral eh, kasi sinasabi nila ang pag-aartista sandali lang iyan.”
Naalala rin niya na : “Medyo naiba ang takbo sa akin dahil noong teenager na ako, dumating naman si Atty. Laxa, na siyang kumumbinsi kina mama at papa na payagan akong mag-artista ulit.
“Noong una ayaw nila eh, kasi pareho silang nagtatrabaho noon. Sabi ni Attorney, “subukan ninyo kahit na ilang pelikula lang.” Eh lahat ng ginawa namin naging hit, nagtuluy-tuloy na.
“Si mama umalis na sa trabaho niya para masamahan ako. Years later nang mag-retire na si Papa, pati siya sumasama na rin sa akin,” pagbabalik alaala ng batikang aktres na nanatili pa ring aktibo ngayon.
“Naiba ang buhay namin noon, kasi araw-araw may dumadating na fans sa bahay. Nakasakay sila sa mga bus, galing pang probinsiya. Naapektuhan pati mga kapitbahay namin. Maraming natutuwa dahil parang araw-araw fiesta eh, pero istorbo kami. Kaya kailangan naming lumipat doon sa malaking lugar.
“Noon hindi ko pa rin akalain na tatagal ako talaga ng anim na dekada.”
Fast forward : “Napasok ako sa politics. Sabi ko sandali lang naman iyon. Kaso tumagal. Wala na akong TV show. Paminsan-misan nakakagawa ako ng pelikula. Ang iniisip ko noon mababawasan na ang suporta ng mga fans. Kaso nauso ang video. Napapanood kahit na ng mga bagets ang pelikula ko noong araw. Kaya nga nagugulat akong madalas basta may mga ipinakikilala sa akin sina Jojo Lim noon na mga bagets na bago raw nilang members.
“Noon ko na-realize, hindi ko pala basta maiiwan talaga ang pag-aartista. Nariyan pa rin ang mga fans. May dumarating pa ring mga scripts, iniaalok sa akin. Sinasabi ko naman baka matagalan iyan. Una hindi ko na kaya iyong ginagawa ko noon na halos naglalagare ako sa set ng dalawang pelikula. Isasagot naman sa akin, willing to wait sila.
“Basta ako, hindi ko binalak, at hindi ko akalain, na tatagal ako ng ganito sa show business. Kaya una, salamat sa Diyos sa mahabang buhay at sa maraming biyaya. Salamat sa mga nakasama ko sa industriya. Higit sa lahat salamat sa mga fans na nanatiling nariyan at nadadagdagan pa sa mahabang panahong iyan,”ang sabi ni Ate Vi.
- Latest