Natcos ni Herlene Budol, hindi naisakay pa-Uganda!

Herlene

Dasal pa rin ni Herlene Budol na makapasok siyang finalist sa gaganaping Miss Planet International kahit sabi nito, na-chop-chop ang kanyang national costume.

“Nakakaiyak at sobrang lungkot ni Hipon Girl nyo. Ang National Costume mukhang nadisgrasya po ng airlines. Pagdating ng aiport ayaw ipakarga kesyo over size daw. Then no choice na rin kami at ihinayaan nalang namin chinopchop nila at binaklas buong box. Ang masaklap yung pinaka body ng costume hindi nakarating ng UGANDA. Buong Araw na kami sa airport at tinengga oras namin at pinangakuan kami na darating ng gabi, pero 2:30 am na wala na silang paramdam. @et_mnl2015 @ethiopian_airlines  Please help me!!,” panawagan ni Herlene.

Pati ang manager ni Herlene na si Wilbert Tolentino, humingi na rin ng saklolo sa netizens and hopefully, may tumulong.

“Guys, we need Plan B for Herlene Hipon Budol National Costume. Nadisgrasya ng Ethiopian Airlines. I need help! Today ang biyahe ng Interpreter papunta ng Uganda para masabay na po sana. We badly need it guys so please give us your entry through Comment Section. Thank you!”

Uge at Rufa Mae, bibida sa comedy musical series

Nasa bansa na si Eugene Domingo mula sa mahaba niyang bakasyon kasama ang love of her life and this Sunday, nasa All-Out Sundays na siya kasama si Rufa Mae Quinto. Bibida sila sa bagong ALL-OUT comedy musical series na Scam Busters kasama ang iba pang mga komedyante ng show.

May mga nagre-request sa GMA na pagsamahin sa isang comedy series sina Uge at Rufa Mae at isama raw sana sila Candy Pangilinan para mas masaya.

E-Heads Reunion Concert, may Gen Ad na

Ang post ni Ely Buendia na “May Gen. Ad tickets na, hindi na sa panaginip na lang” na ang tinutukoy ay ang pagbubukas ng General Admission area sa Dec. 22 concert nilang Huling El Bimbo.

Sa unang release ng tickets, ang Bronze area ang pinakamura at P3,050 per ticket, ang Gen. Ad ticket na inilabas ay P1,222 ang presyon. May fans ng E-Heads ang gusto munang malaman kung gaano ito kalayo sa stage dahil kung sobrang layo raw, hindi na rin sila bibili at manonood.

May mga nagre-request ng online streaming ng concert at willing silang magbayad. Sila ‘yung fans na nasa ibang bansa at ang iba naman, hindi makakapunta sa venue.

Ang magandang balita, nagsimula na ang rehearsal ng E-heads para sa kanilang reunion concert na matagal hinintay ng kanilang mga tagahanga.

Show comments