Marami sanang plano ang Vilmanians para sa birthday ni Ate Vi (Vilma Santos) sa darating na Thursday, ang balak ng VSSI nina Jojo Lim, malakihang celebration na talaga iyan dahil sa Nov. 25 naman ang bale 60th year ni Ate Vi sa show business. Bihira nga naman ang umabot nang ganyan, at isipin ninyo sa loob ng anim na dekada ay hindi bumaba ang popularidad ng Star for All Seasons.
Pero pinigil na rin sila ni Ate Vi. Una kahit na sabihing maluwag na nga ang health protocols na ipinatutupad sa ngayon, hindi maikakailang nariyan pa rin naman ang COVID-19. At sa ganyang celebrations, hindi mo naman mapipigil ang gustong dumating. Hindi mo puwedeng sabihing kami-kami lang ito, dahil bakit? Fans din naman sila ni Ate Vi.
Ang isa pang reason, sinasabi nga ni Ate Vi, gastos na naman iyan para sa fans, at sa panahong ito na matindi pa ang inflation sa ating bansa, ang bigas ay mahigit pang P50, at ang asukal ay mahigit pang isang daan sa palengke, para hindi yata tama na gumastos pa sila nang ganoon.
Isa pa, binigyan din ng advice ng kanyang doctor na magpahinga muna si Ate Vi.
“Wala naman akong ginagawa, hindi naman ako pagod talaga. Kaya lang may stress pa rin eh. Marami pa rin akong kailangang intindihin. Noon sinasabi ko, pagkatapos ng last day ko sa Congress libre na ako, pero hindi pa rin pala. Kahit na sabihin mong nariyan si Ralph (Recto), iyong mga constituents namin sa Batangas kailangan ko pa ring intindihin. Mayroon kasing nasanay na sa sistema ko eh. Dagdag stress iyon. Kaya minsan bigla na lang tumataas ang BP ko, kaya kailangan ng pahinga muna,” sabi ni Ate Vi.
EB, ‘di kumpleto ‘pag wala ang TVJ
Dahil sa masungit na panahong dala ni Paeng, napanood namin iyong Eat Bulaga na matagal na rin naming hindi napapanood. Live sa kanilang studio sina Tito Sen,Vic Sotto at Joey de Leon, kung saan nakapang-batang hamog outfit ang mga host. Hindi talaga kumpleto ang Dabarkads ‘pag wala ang TVJ. Maski sino naman ang nandiyan, hindi kumpleto iyan kung wala ang tatlo.
Ngayong relaxed na ang health restrictions, at pinapayagan nang lumabas na muli ng bahay ang mga senior citizens, muli na silang napapanood nang live sa studio. Marami rin ang naka-miss sa kanila sa telebisyon.
Female star, iniiyakan ang pagkalaos
Umiiyak daw ang isang female star sa kanyang close friends isang gabi at tinatanong niya silang pilit, “talaga bang laos na ako.” Pero siyempre hindi naman sasabihin ng friends niya ang totoo. Ang sinasabi sikat pa siya pero nagkamali lang sa nagawang projects kaya ganoon.
Mahirap talaga para sa isang artista na tanggaping laos na siya.