Oath-taking kahapon ni Director Paul Soriano bilang Presidential Adviser for Creative Communications. In-appoint si Direk Paul ni President Bongbong Marcos sa nasabing puwesto. Ayon sa report, ang appointment ni Direk Paul ay kinumpirma ni Cheloy Garafil, ang officer-in-charge Undersecretary ng Office of the Press Secretary.
Hindi pa raw inilalabas kung ano ang responsibilidad ni Direk Paul bilang Presidential Adviser for Creative Communications. Siguradong marami ang magre-react sa balitang ito, marami ang hindi magkakagusto.
Maaalalang marami ang komontra nang mabalita noon na si Direk Paul ang itatalagang Press Secretary na hindi naman pala totoo. Pero, itong bagong puwesto niya, kung may oath-taking na, ibig sabihin, totoo.
May mga galit na nga na sumugod sa Instagram ni Toni Gonzaga at tinawag na makapal ang mukha nina Toni at Direk Paul dahil sa pagkaka-appoint kay Direk Paul sa nasabing posisyon. May isang nag-comment na pera ng taumbayan ang ipapasahod kay Direk Paul at kung anu-ano pang masasakit na salita.
Sanay na ma-bash ang mag-asawa, deadma sila sa mga galit at naha-high blood sa kanila na mas dadami pa sa mga darating na araw. Inaabangan na nga ang confirmation ni Direk Paul sa harap ng Senado para malaman kung makakapasa siya. Malalaman ngayon kung sino ang mga ayaw at gusto si Direk Paul.
Grupo ni Kuya Kim Atienza, pupunta ng South Korea
One year na pala kahapon ang Dapat Alam Mo, ang top rating news magazine show ng GTV hosted by Emil Sumangil, Patricia Tumulak, and Kim Atienza. Sabay ng kanilang anniversary kahapon ang pagpirma ng renewal contract sa GTV. Kaya tuluy-tuloy na mapapanood ang programa na kinaaliwan ng viewers dahil hindi lang maganda, marami rin ang natututunan.
For its first anniversary, pupunta sila sa maraming bansa at mauuna na silang pumunta sa South Korea. Nabanggit ni Kuya Kim na susundan nila ang trail ng pelikulang Train to Busan at magpi-feature ng Korean food, culture kasama ang K-pop culture.
Hindi na binanggit ni Kuya Kim ang iba pang bansa na kanilang pupuntahan, abangan na lang daw ng viewers ng Dapat Alam Mo. Nagulat ang mga host ng program na marami ang nanonood sa show, hindi lang sa free TV, pati na rin sa online at pinag-uusapan ang mga episode na lumalabas.
Napapanood ang Dapat Alam Mo, 5:30pm., weekdays sa GTV at ibinalita ng mga host na marami pa silang aabangan sa kanilang programa. In-acknowledge ng tatlo ang malaking tulong na nagagawa ng mga tao behind the camera. Sila raw ang nagpapaganda sa programa.
Sharon, seksi na sa ‘illusion gown’
Ang payat na pala ni Sharon Cuneta at pansin na pansin ang malaking nabawas sa kanyang timbang sa suot na gown sa Gabay Guro Grad Gathering. Kaya ang comments, tinawag siyang “seksi,’ “payat,” at “slim.”
Kaya lang, may nag-comment na “ganda ng illusion gown” na marami ang nag-react kung ano ang ibig sabihin ng commenter?
Ang paliwanag ng commenter, ang totoong hugis ay ang white fabric at ang illusion ay ‘yung drawing at kurba sa tela. Pero, hindi pa rin nito sinagot kung payat na ba talaga si Sharon.
Gawa ni Cocoy Lizaso ang magandang gown ni Sharon na encrusted with emerald green Swarovski crystals.