Bagama’t sinasabi ngang nag-trending ang music video ni James Reid na kasama ang modelong si Kelsey Merritt, at pinag-usapan iyon dahil sa shots na sexy, parang promo material lamang ‘yun ng kanyang kanta. Ang tunay na kita roon ay kung mabibili ang kanyang kanta. Bagama’t ang MTV niya kung maraming manonood sa social media ay maaari niyang pagkakitaan, barya lang iyon at baka hindi pa sapat para mabawi niya ang kanyang ginastos sa kanyang MTV lalo na nga at ginawa pa iyon abroad.
Isipin na lang ninyo, magkano ang talent fee ni Kelsey Merritt para lumabas sa video na iyon?
May isa pa raw MTV na lalabas si James Reid, iyon naman ang collab niya kasama ang South Korean band na The Rose.
Pero ang tanong namin, puro MTV na nga lang ba ang gagawin ni James Reid? Papaano siya kikita kung ganoon?
Kung iisipin mo iyan, lalong tumitibay ang paniniwala na nagkamali ng diskarte sa kanyang career si James Reid, kaya bumaba ang kanyang popularidad at ngayon puro MTV na lang ang ginagawa niya, na lumalabas lang naman sa social media at hindi nakakapasok sa MTV Channels dahil wala siyang backup na record company na nagpo-promote ng kanyang musika.
Ang marketing ng musika, sinasabi ngang makakagawa ka lang ng siguradong hit kung madalas kang maririnig sa radio.
At kung maging hit ang kanta mo, at saka ka lang makukuha sa concerts kung saan ka talagang kikita bilang artist.
Eh kailan pa ba ang huling concert ni James? Hindi pa niya solo at sa Viva pa iyon.
Boom Labrusca, paiba-iba ng pangalan noon
Kasabay ng pagdiriwang ng kanyang first birthday, bininyagan noong isang araw si Alexander Sebastian Labrusca, ang baby boy ng aktres na si Desiree del Valle at Boom Labrusca.
Baka naco-confuse kayo kay Boom. Nagsimula siya sa That’s Entertainment gamit ang screen name na Anthony Roxas. Noong mawala ang That’s... lumipat siya sa ABS-CBN at nakasali sa Star Circle, ipinakilala naman siya gamit ang screen name na Miguel dela Rosa.
Tapos noong nagpahinga siya sa showbiz at naging concentrated sa modeling ginamit na niya ang palayaw niyang Boom, kaya nakilala siyang si Boom Labrusca.
Ang totoong pangalan niyan kung hindi kami nagkakamali ay Anthony Labrusca. Yes, junior naman niya ang male star ngayong si Tony Labrusca na naging anak niya kay Angel Jones.
Nagkakilala naman sina Desiree at Boom nang magkasama sila sa ilang serye sa ABS-CBN noong 2015 at nagpakasal silang dalawa sa US noong 2018.
Male star, nawalan ng gana sa showbiz nang ‘di mabayaran sa BL series
Tuluyan na yatang nawalan ng gana sa local showbiz ang isang male star matapos ang napakatagal na taping ng isang seryeng BL, at todo promote pa siya noon, tapos ang ending hindi siya nabayaran nang buo.
Kasi ang problema nga siguro hindi pa rin makasingil ang producers noon mula sa streaming websites na naglabas ng kanilang serye. Isinama rin siya ng producer sa isang serye sa TV, ang tagal din ng kanilang trabaho, at doon din hindi siya binayaran.
Basta naniningil siya, sinasabing maghintay lang para isang bagsak ang bayad sa kanya.
Kaso hindi na yata darating ang hinihintay niya, at halos wala na siyang panggastos. Papaano nga ba gaganahang magtrabaho ang artista kung ganyan.