Simple lang, namasyal sila sa isang mall privately, mayroon silang suot na face mask, tapos naka-sun glass pa kahit nasa loob ng isang mall. Obviously, ayaw nilang makatawag ng pansin. Maliwanag na ang kanilang pamamasyal ay gusto nilang gawing pribado. Pero possible nga kayang hindi makilala si Joshua Garcia na araw-araw mong nakikita sa tv, At puwede rin bang hindi mapansin si Bella Racelis na halos milyon na rin ang followers sa social media dahil sa kanyang ginagawang content. Ang resulta, napansin pa rin sila ng isang netizen na nag-post sa kanyang social media account na ang dalawa ay “holding hands while walking.”
Eh binanggit ang pangalan ni Joshua, at binanggit din si Bella, natural maski na hindi followers ng orihinal na nag-post, marami na ang nag-share noon. Sa loob ng maghapon lang kalat na.
Lalong umingay ang mga tsismis na mukha ngang nagkakamabutihan na ang dalawa, bagama’t wala pa naman silang inaaming relasyon. Pareho silang nagsabing magkaibigan lamang sila, at nagsimula lang lahat iyan dahil sa madalas na pagla-like ni Joshua sa mga content na ginagawa ni Bella sa social media.
Eh alam naman ninyo ang fans, napakabilis na gumawa ng conclusion. Isa pa matagal na rin namang walang syota si Joshua, at wala namang dahilan para manatili siyang nag-iisa. Isa pa, siguro nga kaya madali silang nagkasundo, pareho silang lumaki sa Batangas. May mga connections.
Anyway, bagay naman sina Joshua at Bella.
Mandatory drug test sa showbiz, naisip dahil kay Dominic
Matapos na mahuli sa isang buy bust operations sa Quezon City na may kinalaman sa droga si Dominic Roco, mabilis na naman ang reaksiyon ng ilang mambabatas na ang mga artista daw ay dapat sumailalim sa drug test. Ang katuwiran nila, na may punto naman, iyang mga artista ay ini-idolo ng mga kabataan, kaya dapat mapigilan silang una sa masamang bisyo. Hindi lang naman kasi si Dominic ang artistang nahuli at nakulong dahil sa droga.
Pero hindi ba iyang sapilitang pagpapasa-ilalim sa isang tao sa drug test dahil lamang sa siya ay isang artista ay labag na naman sa kanilang karapatang pantao?
Hindi pa nga tayo nakakalusot sa ginagawang imbestigasyon ng ICC sa ginawang “tokhang” narito na naman ang isa pa.
Magandang panukala iyan pero pag-aralan muna nila kung gagawin nilang mandatory. Hindi naman lahat ng artista sangkot sa droga, at hindi lang mga artista ang gumagawa ng ganyan. Maraming ibang professionals na sabit din.
Vhong, may ibang puwedeng paglagyan!
Sinasabi ni Vhong Navarro na nangangamba siya sa kanyang kaligtasan kung ililipat siya sa Taguig City Jail, kahit na sinabi na ng court of appeals na hindi siya dapat na nananatili sa detention center ng NBI
Ang sinasabi naman ng kampo ni Deniece Cornejo, dapat huwag lumabas na may special treatment kay Vhong. Dapat dalhin siya sa Taguig City Jail.
Kung ang pinag-uusapan lang naman ay ang lugar ng jurisdiction, bakit hindi na lang ilagay si Vhong sa Camp Bagong Diwa sa Taguig din. Baka mas siguradong ligtas siya sa kampo ng NCRPO.