Ice, nalampasan ang panloloko at depresyon!
Hindi basta-basta ang mga pinagdaanan ni Ice Seguerra sa 35 years niya sa showbiz.
Isa rito ay nang ‘nabudol’ siya noon.
Lahat ng mga naipon ni Ice noong kainitan ng career niya ay nakulimbat kumbaga.
“Nung time na ‘yung ang hirap na mag-recover. Kumbaga I was a teenager so ‘yung mga napag-ipunan ko noong kabataan ko, nakuha,” kuwento niya sa isang interview.
Naalala pa ni Ice na noong teenager siya, wala siyang career. Pero aniya, hindi siya tumigil sa pagtatrabaho.
At walang nakaalam sa nangyaring panloloko sa kanila ng isang taong akala nila ay malapit sa kanila.
Hindi na niya ito ibrinodcast dahil pakiramdam niya, hindi na kailangan bilang ito ay family thing.
At isa ‘yung sa down moments ni Ice.
Isa pang matinding pinagdaanan niya ay nang magkaroon ng pandemic kung saan grabe ang naranasan niyang depression.
Aminado si Ice na nakaramdam siya na wala siyang kwenta dahil sa kawalan ng trabaho – wala siyang naipapasok na pera.
Ang pagiging breadwinner ay nakadikit na sa kanya.
At doon nagsimulang i-criticize ang sarili niya sa pagiging worthless.
Aniya, ang singing ang part na ng kanyang identity katulad sa pagiging provider niya kaya nang magkaroon ng pandemic naramdaman niya na nawalan siya ng identity.
Umabot pa sa kailangan na niyang magpa-psychiatrist upang bumuti ang pakiramdam.
Nakasabay pa noon ang sakit ng kanyang ama kaya pakiramdam niya ay nagpatung-patong na ang mga pangyayari.
Ilan lang ‘yan sa masasabing pinagdaanan niya umpisa nang pumasok siya sa showbiz 35 years ago na nag-umpisa sa Little Miss Philippines ng Eat Bulaga.
Pero ang pinaka-importante, hindi siya iniwan ng kanyang misis na si former Film Development Council of the Philippines (FDCP) chairperson Liza Diño.
Kaya’t matibay na matibay na siya ngayon.
Pagdating sa kanyang career, alam ng buong bayan ang buhay ni Ice na isang icon ng pelikula at telebisyon, child star wonder, certified OPM hitmaker, at ngayon ay live events at TV director na rin, sa nakalipas na 35 taon niya sa showbiz.
Ang kanyang paglalakbay ang nagdala sa kanya sa pagdiskubre ‘di lamang ng ins at outs ng industriya kundi sa kanyang sarili na rin.
Sa Oktubre 15 (8:00 p.m.), dadalhin tayo ni Ice sa isang musical at visual journey ng kanyang evolution.
Magaganap ang Becoming Ice: The 35th Anniversary Concert sa The Theater at Solaire from 8:00 p.m. onwards.
Sinusundan ng milestone event na ito ang 10-year hiatus niya sa major concert stage matapos ipagdiwang ni Ice ang kanyang ika-25 na anibersaryo.
Ang Fire and Ice Media and Productions, Inc., na production company ni Ice kasama ang kanyang misis na si Liza Diño ang producer ng show sa pakikipagtulungan sa Nathan Studios.
Siya na rin ang stage director kasama ang musical director na si Ivan Lee Espinosa.
“Sobra akong excited na mag-major solo concert ulet after 10 years. Miss na miss ko ang energy, ang emotions, and ang mga tao na nakaka-appreciate sa experience ng isang live event. Becoming Ice is very personal to me because this is the first time that I’m going to do a major concert as Ice Seguerra. At masaya ako na maibabahagi ko ang 35-year journey ko sa aking mga, my fans,” banggit ni Ice nang maka-dinner namin nung minsan.
Love letter ni Ice ang concert na ito sa kanyang mga tagahanga at mga tagasuporta na nanatiling loyal sa kanya sa kabila ng madaming pagsubok na kanyang pinagdaanan sa kanyang karera.
Aawitin niya ang soundtrack ng ating mga buhay sa kanyang mga phenomenal hits gaya ng Pagdating ng Panahon, Anong Nangyari sa Ating Dalawa, at madami pang iba.
Ipinapangako rin ng multi-platinum artist ang isang gabi ng reminiscence, nostalgia, at feel-good vibes.
Ang mga tiket sa Becoming Ice: The 35th Anniversary Concert ay mabibili sa TicketWorld. Ang mga presyo nito ay P7,200.00 para sa SSVIP; P6,100.00 para sa SVIP; P5,000.00 para sa VIP; P4,650.00 para sa Gold; P3,350.00 para sa Lower Box; at P2,250.00 para sa Upper Box seats. Ang Meet and Greet Package para sa SSVIP tickets ay may eksklusibong meet and greet kasama si Seguerra na may kasamang personal na selfie at eksklusibong Becoming Ice merchandise item, habang ang SVIP at VIP tickets naman ay mayroong eksklusibong Becoming Ice merchandise item.
Samahan si Ice habang binabahagi niya ang kanyang 35 na taong paglalakbay – ang highs at ang lows at everything in between – at diskubrehin kung paano niya nakamit ang kanyang tunay na pagkatao.
Maaalala rin na chair of the National Youth Commission of the Philippines si Ice.
International series ni Inigo, mapapanood nang libre!
Mapapanood din pala ng mga Pilipino ang inaabangang international drama series na Monarch, tampok si Inigo Pascual, dahil ipapalabas ito sa iWantTFC ngayong Setyembre at abangan din ito sa iba’t ibang platforms ng ABS-CBN.
Ang ABS-CBN ang may exclusive linear TV rights para ipalabas ang serye sa Pilipinas at una itong mapapanood nang libre sa iWantTFC sa Setyembre 13 o 48 oras pagkatapos ipalabas sa US.
Pinagbibidahan ito ng mga award-winning artists mula sa iba’t ibang bansa tulad nina Anna Friel, Susan Sarandon, Trace Adkins, Beth Ditto, at Joshua Sasse, kabilang na rin si Inigo bilang si Ace, isang gwapo at talentadong binata na inampon ng isang sikat na pamilya.
Bukod sa star-studded cast, kaabang-abang din ang mga awitin sa serye tampok ang ilang orihinal at magagandang cover ng pop at country songs sa bawat episode.
Malaki ang pasasalamat ni Inigo na mapabilang sa isang international series upang ibandera ang talentong Pinoy.
“It was truly a dream come true. Sobrang tagal ko nang pinangarap na makagawa ng Hollywood project and to be able to represent the country in a project like this. Mas masaya ako dahil ‘yung character ko mismo ay Pinoy. I had to learn a Southern accent and I had to sing in country,” sabi niya.
- Latest