Pamilya ni Cherie, nagtipun-tipon kasama ang kanyang abo!

Pamilya Eigenmann

Isang buwan pagkatapos ng pagpanaw ng premyadong aktres na si Ms. Cherie Gil, nagtipun-tipon ang buong Eigenmann Family para ipagdasal at buhayin ang mga naiwang alaala ng aktres.

Makikita sa “Eigenfam” reunion ay ang mga pamangkin ng La Primera Kontrabida na sina Gabby Eigenmann, Sid Lucero, Andi Eigenmann, Max Eigenmann, Ryan Eigenmann, Geoff Eigenmann kasama ang kani-kanilang mga asawa’t anak.

Present din ang ex-husband ni Cherie na si Rony Rogoff at ang kanilang mga anak na sina Bianca at Raphael. Nandoon din ang panganay na anak ni Cherie na si Jay na anak niya sa aktor na si Leo Martinez.

Ang nag-organize ng kanilang reunion ay si Michael de Mesa, ang naiiwang buhay sa unang hene­rasyon ng Eigenmann siblings. Naunang pumanaw si Mark Gil noong Sept. 1, 2014 dahil sa sakit na cirrhosis of the liver at nasundan ito ni Cherie noong nakaraang Aug. 5 dahil sa endometrial cancer.

Pinost ni Michael ang ilang photos sa kanyang social media account at nilagyan niya ito ng caption na: “I know you were with us — smiling, crying, and laughing at the beautiful memories we shared of you with each other. We miss you so much! But in our grief, we smile knowing that you are hugging Ralph again. We love you, Cherie!”

Nagpakuha ng group photo ang Eigenmanns sa portrait ni Cherie at sa isang urn na laman ang kanyang ashes.

Dominic, nanibago

Unang teleserye sa GMA ng Kapamilya actor na si Dominic Ochoa ang Abot Kamay Na Pangarap.

Higit na 20 years na talent ng ABS-CBN 2 si Dominic, pero nagkainteres siyang tumanggap ng project sa Kapuso network. Huling siyang napanood sa 2 Good 2 Be True at Mars Ravelo’s Darna sa Kapamilya Channel-A2Z.

Wala naman daw naging problema sa paggawa niya ng teleserye sa GMA dahil maayos naman daw siyang nagpaalam.

Ang ganda raw ng experience ni Dom sa first lock-in taping niya for Abot Kamay Na Pangarap. Maganda raw ang pag-welcome sa kanya at ang ganda raw ng vibes ng buong workplace. “Siyempre, noong una… panibagong bakod to, eh but I felt really welcomed. Na-welcome talaga ako nang maigi, lalo nung unang araw ko pa lang. One big happy set, happy family. Malaking bagay kasi ‘yun ‘di ba, kapag magaan ang set, magaan ang trabaho. Sabi ko nga, baka mawili ako kasi ang ganda ng vibes,” ngiti pa ng aktor.

Gaganap si Dominic sa Abot Kamay Na Pangarap bilang si Michael Lobrin, ang matulungin at may mabuting puso na boss ni Lyneth (Carmina Villarroel).

“Na-miss ko ring katrabaho si Mina. I worked with her noon sa mga teleserye na Esperanza and May Isang Pangarap. It’s so nice to be working with her again,” diin pa ni Dominic.
 

Show comments