Boy, tatlong taon nang jobless!

MANILA, Philippines — Hindi pa rin makukumpirma ni Kuya Boy Abunda kung totoong magiging Kapuso na siya ulit.
Ang masasabi lang niya sa ngayon ay meron daw pag-uusap.
Gustung-gusto niyang magkaroon ng talk show sa telebisyon, kaya pagbalik niya galing Amerika ay magkakaroon ng linaw ang kanyang pagbabalik-telebisyon.
Puwede na niya kayang sabihin kung saang TV network siya?
“Hindi ko pa alam pero marami akong kausap,” pakli ni Kuya Boy sa nakaraang event ng Rana Pharmaceutical, Inc.
Nakatakda lang siyang umalis pa-New York para sa hosting ng Ten Outstanding Filipinos na ilang taon na rin niyang ginagawa.
Bukod pa rito ay siya rin ang maghu-host sa launch ng Olivia Quido’s beauty products kasama ang kasalukuyang Miss Universe Harnaaz Sandhu.
Ilang linggo rin siyang mawawala, pero sa pagbabalik niya ay maaaring magkakaroon na ng official announcement.
Inaasahang bago matapos ang taong ito ay meron na siyang bagong TV show.
Posible kayang sa GMA 7 na ito?
“Anything is possible,” nakangiting sambit ni Tito Boy, “anything is possible.”
Meron na bang negotiations?
“Kung magugustuhan nila ako. Hindi! May mga pag-uusap. May mga pag-uusap, hindi lamang sa Channel 7,” safe na sagot ni Kuya Boy.
Wala naman daw offer sa kanya ang AMBS Network ng dating Sen. Manny Villar. Kaya hindi na kasali ‘yun sa pinagpipilian niya.
Wala naman daw siyang problema sa ABS-CBN 2 dahil nagpaalam daw siya bago makipag-usap sa GMA 7.
Sa katunayan ay siya pa nga ang nag-host ng round-table discussion ng Flower of Evil ng Kapamilya network.
“Sa ngayon, wala talagang kasiguraduhan pa. Pero ang alam ko lang, I’m back on television pagbalik ko.
“Tatlong taon na po akong walang trabaho. Tatlong taon na po akong jobless. Nakiusap? Ha! Ha! Ha! Ha! Ha! Tatlong taon na ho akong walang trabaho,” sabi pa ni Kuya Boy, na ini-endorse ang produktong Klenzcol ng Rana Pharmaceutical.
Samantala, si Kuya Boy ang nag-host ng launching kay Ellen Adarna bilang endorser ng produktong Xmeal na matagal-tagal na rin palang ginagamit ng sexy actress.
Kaya natuwa siyang kinuha na siyang mag-endorse nito at makaka-partner pa niya ang Rana Pharmaceutical sa sarili niyang produktong ilulunsad.
Mas okay na si Ellen sa endorsement at mag-put up ng sariling negosyo.
Ayaw na niya ng tapings at shootings dahil hindi niya kaya ang ma-lock in.
Kailangan pa niyang tutukan ang pag-aalaga sa anak niyang si Elias.
“I made a promise to myself na tutok muna ako kay Elias, until he is seven,” pakli ni Ellen.
Hindi raw sila nagpapakialaman ni Derek pagdating sa kani-kanilang career. Pero nakapag-decide na siyang wala siyang tatanggaping ano mang proyekto sa TV o movies.
“For me, that’s my decision, and whatever his decision is, sa kanya na yun. We don’t control each other,” tugon ni Ellen.
- Latest