Nagulat kami nang makita namin ang picture ni James Reid sa social media. Ang totoo hindi namin siya nakilala, at nalampasan na namin iyon nang biglang pumasok sa isip naming bakit may pangalang James Reid.
Iyon pala nagpakulay siya ng buhok at ginawang blonde. Tapos halatang medyo tumaas na naman ang kanyang timbang, na sa tuwing mangyayari iyan ang unang affected ay ang kanyang mukha.
Kung titingnan mo tuloy, malayung-malayo na sa hitsura ni James Reid noong araw. Noong panahon ng kanyang kasikatan, ang sinasabi ng marami, ang lamang niya sa kanyang mga kalaban sa popularidad ay ang maganda niyang mukha.
Poging-pogi si James Reid noon. Kahit na hindi katangkaran, nasa porma rin naman ang kanyang katawan.
Ang disadvantage lamang niya noon ay ang garil na pagsasalita ng Tagalog, na maiintindihan mo naman dahil hindi naman siya lumaki dito sa Pilipinas, at sa mga bagets naman ay tanggap na iyang “taglish” noong araw pa.
Hindi namin siya pinipintasan, kundi nanghihinayang kami kay James. Mukhang nagkakamali siya ng diskarte, hindi lamang sa kanyang career kundi maging sa kanyang personality. Talaga namang matured na siya.
Ngayon ay 29 years old na siya, pero kaya pang ibalik ang hitsura niya five years ago. Actually mas naging pogi nga siya noong mas matured na siya at gumagawa na ng pelikula kumpara noong panahon niya sa PBB.
Matuto lang ng tamang diskarte sa kanyang career, at huwag niyang pababayaan ang hitsura niya tiyak makakabawi si James.
Liza, stepsister lang ng bida
Hindi namin maintindihan kung bakit ipinipilit ng kanyang publicists na gumagawa ng isang Hollywood movie si Liza Soberano. Oo isang American Company naman ang MXN Entertainment na siyang gumagawa ng pelikula sa labas ng Hollywood. At para iyon sa Focus Features, na ang hawak ay maliliit na pelikula lamang, samakatuwid lumalabas na indie lang iyan, at tinatawag na “off-Hollywood movies.”
Ang publicity nila rito akala mo siya ang bida, kasi ang title nga naman ay Lisa Frankenstein pero iba lang sa z.
Pero ang role ni Liza sa pelikulang iyon ay bilang stepsister lamang ng bida sa horror comedy film na iyon.
Aktor, dalawa na ang anak sa live-in partner na ‘di inaamin!
Happy raw ang isang actor dahil nadagdagan na naman ng isa ang kanilang pamilya, dahil kapapanganak lang pala ng kanyang live-in partner kung kanino may dalawa na siyang anak. Kaya pala nakita sila sa isang membership shopping supermarket na bumili ng kung ilang malalaking lata rin ng infant formula.
Pero siyempre, hindi nila aaminin iyan sa publiko, dahil sa paniniwalang baka maapektuhan ang sikat na actor kung malalamang dalawa na pala ang kanyang anak. Iyon daw kasi ang sinasabi ng manager niya, at ng “showbiz gay na nagpala sa kanya kaya siya sumikat.” Hindi naman daw umaangal ang showbiz gay, after all kahit na may ka-live in ng babae at dalawang anak ang actor “dumadalaw” pa rin naman iyon sa kanyang condo.