Dumalo si AJ Raval sa private screening ng latest Vivamax film niyang Sitio Diablo na ginanap last Tuesday. Ang pagsipot niya ay tila sagot na rin sa tsismis na buntis siya dahil nakita naman talaga ng lahat na maliit ang kanyang tiyan.
Matagal-tagal na ring natsitsismis na preggy ang sexy star at diumano nga ay ang boyfriend na si Aljur Abrenica ang ama. By now, dapat ay may baby bump na siya if true ang tsika.
Bago ito ay matatandaan ding itinanggi na rin naman ng sexy star ang tsismis at maging ang ama niyang si Jeric Raval ay nagbigay na rin ng pahayag na hindi totoong buntis ang anak.
More than the pregnancy issue, mas naging curious ang entertainment press sa reaksyon ni Jeric sa matitinding love scenes ni AJ with Kiko Estrada sa pelikula.
Dumalo si Jeric sa nasabing private screening bilang suporta of course hindi lang kay AJ kundi sa isa pa niyang anak na si Ace Raval na isa rin sa cast ng Sitio Diablo.
After the screening ay hiningan namin ng reaksyon si Jeric sa napanood na sexy scenes ng anak at aminado ang action star na na-shock siya.
“What can I say? Na-shock ako! Nagulat ako du’n sa mga bed scene,” sambit ni Jeric.
Pero timing naman daw na sa tuwing dadating sa sexy scene ni AJ ay nagri-ring ang telepono niya kaya kailangan niyang lumabas sandali ng sinehan para sagutin ito kaya hindi niya raw napanood lahat.
“So, sa tuwing papasok ako ng sinehan, tapos na ‘yung eksena. Ang mga napanood ko lang, ‘yung mga action scenes (ni AJ),” ani Jeric.
Aminado rin ang action star na wala na siya talagang magagawa kung talagang nagpapa-sexy ang anak at natanggap na rin daw niya.
“Nandiyan na ‘yan, eh. Nu’ng una, hindi ko talaga siya sinusuportahan sa ganyan, eh. Dahil ako, ang tagal kong nag-artista, lahat ng bed scene ko, medyo maingat ako sa ganu’n,” he said.
Pero na-realize rin niya na iba na rin ang panahon ngayon at ito ang kalakaran ngayon kaya okay na sa kanya and in fact, proud daw siya kay AJ.
“Siyempre, anak ko ‘yan at natutuwa naman ako na nabigyan siya ng break ng Viva. Hindi lahat, nabibigyan ng break. Siya naman, agad-agad, mabilis din.
“Parang ako nu’ng araw, nu’ng nag-artista ako, first movie ko, starring role agad. Unang-unang pelikula ko, bida kaagad ako,” sey ni Jeric.
Given the chance ay gusto rin daw niyang makatrabaho si AJ sa isang pelikula na tipong family-oriented o ‘di kaya ay action film.
Samantala, mapapanood na sa Vivamax ang Sitio Diablo ngayong Aug. 26. Ito ay mula sa direksyon ni Roman Perez, Jr.
Still on AJ, masayang-masaya ang sexy star na natupad na ang dream niyang makapag-action sa pelikula tulad ng kanyang ama. Kakaibang AJ nga ang mapapanood sa Sitio Diablo bilang ang role niya ay miyembro ng isang gang na laging napapaaway.
Biniro siya ng leading man na si Kiko Estrada na mas magaling pa raw siya kaysa kay Jeric at nagkatawanan.
Pero ayon kay AJ, siyempre ay hindi naman daw totoong mas magaling pa siya sa tatay niya.
“Siguro po, may time rin po na masasabayan ko ‘yung tatay ko sa action pero right now, I’m still in the process of learning pa rin po ako, eh. Nag-aaral pa rin po ako.
“Saka ayoko naman din pong sabihin na mas magaling ako sa tatay ko kasi sa kanya ako natuto, eh. Siya ‘yung naging inspiration ko para maging action (star), para mag-movie, para maging artista,” pahayag ni AJ.
When asked kung ano ang pakiramdam niya na kasama niyang nanood ang tatay sa kanyang matitinding sexy scenes, aniya ay ni-ready naman daw niya ito sa pwedeng mapanood.
“Sabi ko, pumikit na lang silang lahat,” natatawang sabi ni AJ.
“Natuwa naman siya kasi ‘yun nga, action movie saka nag-meet na rin sila before ni direk Roman, nakikita rin niya ‘yung work ni direk Roman, natutuwa siya na si direk Roman ang direktor ng movie,” dagdag pa ng Queen of Vivamax.