Coco at Julia, twinning sa pagbisita kina FPJ at Susan
Magkasamang dinalaw nina Coco Martin at Julia Montes ang puntod ng mag-asawang Fernando Poe, Jr. at Susan Roces last Saturday (Aug. 20) bilang pag-alala sa kaarawan ni FPJ.
Makikita sa cocomartin_ph Instagram page ang mga larawan at video ng pagbisita ng CocoJuls sa puntod nina Da King at Tita Susan.
“Maligayang Kaarawan Da King, Mananatili kang inspirasyon, mula noon hanggang ngayon. Ang iyong alaala ay habang buhay na nagdadala ng pag-asa sa bawat Pilipino at mananatili itong buhay sa aming lahat. Saludo kami sa iyo nagiisang, Da King!,” ang caption ni Coco.
Makikita sa larawan na nagsindi ng kandila si Coco para sa yumaong mag-asawa na labis niyang inirerespeto at iniidolo.
Sa video ay makikita na hinaplos pa ni Coco ang larawan ng mag-asawa.
In another post ay pinasalamatan din ng aktor sina FPJ at Tita Susan.
“Maraming maraming salamat po FPJ at Lola Susan! Mahal na mahal ko po kayo!,” caption ni Coco.
Kapansin-pansin din ang twinning outfits nina Julia and Coco na all black with a hoodie jacket and cap kaya naman kilig na kilig na naman ang CocoJuls fans.
Cristine, umaming may mga sugat pa
May hugot si Cristine Reyes sa kanyang Instagram page kahapon. Nag-post siya ng reel kung saan ay makikitang kagigising lang niya at nagkakape.
Kasalukuyang nasa Dubai ang aktres para sa pagbubukas ng Maid in Malacañang doon.
“Pangarap ko sa buhay yung gigising ako every morning at may kape, libro at ilang oras para mag-muni-muni,” simula ng aktres sa kanyang caption.
Kasunod nito ay nag-emote ang aktres tungkol sa panghuhusgang naranasan dahil sa naging pagkamamali niya in the past.
“Ito yung time ko with God. Kahit insultuhin man ako ng ibang nilalang sa pagbabago ko sa buhay, o baka dahil sa mga maling gawain ko noon kaya hinusgahan na nila buong pagkatao ko, ok lang,” aniya.
Hindi na tinukoy ni Cristine kung ano ang pagkakamali niya pero inamin niyang marami pa siyang sugat na kailangang paghilumin.
“Maraming sugat na kailangan hilumin. Gusto ko huminga at gusto ko ng katahimikan…..,” saad niya.
“Maraming salamat kay ”Ate” na nagta-trabaho dito sa hotel kasi pinagsisilbihan niya ako mabuti. Iba talaga mag-alaga ang pilipino. Nag-enjoy ako dito sa Dubai dahil kay “Ate” at sa mga mababait na pinoy na nakasama ko dito,” patuloy ng aktres.
Sa huli ay nagpasalamat si Cristine sa lahat ng bumabati sa kanya para sa performance niya sa Maid in Malacañang.
“Maraming Salamat sa lahat ng bumati sa akin. Kung alam niyo lang kung gaano niyo pinapa-saya ang damdamin ko.
“Mag-iipon ako ulit ng maraming lakas para gumawa ulit ng pelikula para kayo’y mapasaya at paiyakin,” pahayag ni Cristine.
Hindi namin alam kung ang tinutukoy ng aktres na pagkakamali niya ay ang pagpapakasal sa asawang si Ali Khatibi. They got married in 2016 at nagkaroon ng isang anak na babae na si Amara.
Napabalita ang paghihiwalay nina Cristine at Ali in 2018 at kinumpirma na rin naman ito ni Cristine noon pa pero hindi na siya nagdetalye pa. Actually, hanggang ngayon ay hindi pa rin nagsasalita ang aktres tungkol dito.
- Latest