Mga dating Darna, biglang pinag-interesan!
Marami ang naghahanap ngayon ng mga klasikong Darna movies. Noon para sa marami, iyan ay simpleng action films lamang, pero ngayong na-realize nila kung gaano ang hirap na gumawa ng ganyang pelikula noong araw, at nagawa pa. At matagal na pinilahan ang mga pelikulang iyan sa sinehan at kumita nang malaki, ang tingin nila napakahalaga na iyan. Kasi ngayon ang mga ganyang panoorin CGI na lang eh.
Isipin ninyo, iyong unang Darna na ginawa ni Rosa del Rosario, ay isa mga pelikulang ang director ay ang sikat ding actor na si Fernando Poe Sr. Naghanap sila noon ng kopya niyan pero walang nakuha kundi pira-pirasong bahagi na lang. Nasundan iyon ng Darna at ang Babaing Lawin na si Rosa del Rosario rin ang bida at ginawa ni director Carlos Vander Tolosa, pero wala na ring nakitang kopya ng 1952 film. Si Rosa ay nakagawa ng dalawang pelikulang Darna. Si Liza Moreno na nang malaunan ay naging awarded film story writer, at film producer ng noon ay Virgo Films, at partner ni Eddie Rodriguez, ay naging Darna rin. Wala na ring trace ng kanyang pelikula.
Si Gina Pareño ang lumabas na Darna, doon sa Darna at ang Planet Man noong 1969, at iyan ang unang-unang Darna movie na napanood namin sa sine Life noon. Ginawa ni Director Marcelino Navarro, ngayon wala na ring kopya.
Maging ang unang Darna movie ni Ate Vi (Vilma Santos), iyong Lipad Darna Lipad, wala na ring kopya. Kasi nasara ang kumpanyang gumawa noon, iyong Sine Pilipino, nang magkahiwa-hiwalay ang producers noon, at saka noong panahong iyon, ang akala ng film producers, basta nailabas na nila ang pelikula sa sinehan iyon na iyon. Walang nakaisip na isang araw ay magkakaroon ng video. Wala ring gumawa ng film archives. Si Ate Vi ay apat na beses na naging Darna. Siya ang may pinakamaraming Darna movies. Ang unang nagtangkang gumawa ng film archives ay ang dating unang ginang Imelda Marcos, nang maipatayo na ang Manila Film Center.
Pinagtutulungan sana iyon ng Experimental Cinema of the Philippines na pinamumunuan noon ni Senadora Imee Marcos, at ni Johnny Litton. May mga nakuha silang klasikong pelikula, at iyon nga ang dahilan kung bakit may mga nakikita pa tayong classics ngayon, pero noong mawala ang mga Marcos, pinabayaan iyang Film Center na masira, at iyong lugar na pinagtataguan ng mga lumang pelikula, pinasok ng tubig dagat.
Magastos ang Darna movies noong araw. Gumagamit sila ng dalawa, minsan ay tatlo pang camera nang sabay-sabay, dahil mahirap ulitin ang mabibigat na stunts. Ibig sabihin ang konsumo ng negatibo ay tatlong ulit ang dami.
Hindi rin gaya sa US na gumagawa ng duplicating negative at itinatago ang orihinal para hindi magasgas. Dito sa atin ang orihinal ang ginagamit sa pagpi-print ng kopya.
Iyong Lipad Darna Lipad ni Ate Vi, at saka iyong Darna and the Giants, nakakuha pa kami ng video copy noon. Pero kuha lang sa telebisyon iyon, at VHS pa, nawala na rin ang aming kopya. May panahong ang VHS ay naisasalin na nila sa VCD, pero napakamahal kung ipagagawa mo iyon noon. Isa pa, bawal iyon dahil isang porma rin iyon ng piracy.
- Latest