MANILA, Philippines — Ngayong August, kasabik-sabik ang naghihintay sa mga manonood ng Wish Ko lang, hosted by GMA News and Public Affairs pillar Vicky Morales, dahil iseselebrayt nito ang ika-20 taon nito sa pagtupad ng mga kahilingan at may inihandang malalaking sorpresa.
Sa loob ng dalawang dekada, maraming nabago ang buhay at nabigyan ng pag-asa ang programa.
At ngayon mas malawak pa ang naabot nito sa buong mundo sa pamamagitan ng social media.
Sa panibagong kabanata ng programa, layunin nitong mas marami pang mapasaya at mapaniwala na walang imposible para sa mga nagsusumikap at naniniwala sa kanilang pangarap.
“Hangga’t hindi tayo napapagod humiling at maniwala, hindi tayo mapapagod lumaban sa buhay. Kaya sana ‘wag talaga tayong mawalan ng pag-asa. Ang dami nating pinagdaanan, andito pa rin po tayo sama-sama,” ani Vicky.
Kaya naman ngayong August, ibibigay ni Vicky sa mga karapat-dapat na Pilipino ang pinakamalaking regalo ng programa, kasama ang Wish Ko Lang financial assistance na nagkakahalagang P100,000.
Magbibigay rin ito ng Instant Wish packages sa pamamagitan ng official Facebook page, kung saan ang mga karapat-dapat ay may pagkakataong makapag-uwi ng business packages, gadgets, and cash assistance, at iba pa.
Bilang bahagi ng month-long anniversary special ng Wish Ko Lang, mapapanood ang magagaling na aktor na sina Sid Lucero, Bianca Umali, Ms. Tessie Tomas, at ang Philippines’ Optimum Star Claudine Barretto.
Sa Sugal episode na mapapanood ngayong Sabado, Aug. 6, gagampanan ni Bianca ang kuwento ni Marife, isang matapang na babaeng kundoktora ng bus. Makakasama rin ni Bianca sina Andrea del Rosario, Ian de Leon, Prince Clemente, Dentrix Ponce, at Bryce Eusebio.
Kahit ang holdap sa bus ay ‘di nasindak si Bianca pero sa kabila ng pagiging malakas at matapang ay sa likod nito ay may problemang hinaharap si Marife sa kanyang pamilya. Naging matatag si Marife dahil sa pag-abandona sa kanila ng kanilang amang si Edgar (Ian) na nalulong sa alak, na sa tuwing malalasing ay sinasaktan nito ang kanyang mga anak. Mahina naman ang katawan ng kanyang inang si Rosemarie (Andrea) kaya napilitan si Marife na tumayong magulang sa kanyang mga nakababatang kapatid na sina Jose (Bryce) and Melvin (Dentrix). Abangan kung paano kinaya ni Marife ang mga pagsubok sa buhay.
Mula ito sa direksyon ni Rommel Penesa at sa panulat ng head writer na si Erwin Caezar Bravo at writer na si Adam Cornelius Asin.
Huwag ding palampasin ang upcoming episodes na pinagbibidahan nina Claudine Barretto (Aug. 13: Bisita), Ms. Tessie Tomas (Aug. 20: Bintang), and Sid Lucero (Aug. 27: Selos).
Ginawa ring extra special ang 20th anniversary ng Wish Ko Lang dahil mapapakinggan na ang original soundtrack (OST) to be recorded by Hannah Precillas, Anthony Rosaldo, Jessica Villarubin, at Ysabel Ortega.
Panoorin ang Wish Ko Lang’s anniversary episodes mula Aug. 6, 4 p.m., sa GMA Network with live streaming sa GMA Public Affairs social media accounts.
Maaaari rin itong mapanood ng mga Kapuso abroad via GMA Pinoy TV.