Ang pinirmahan pala ni Liza Soberano ay bilang talent sa music company ni James Reid at hindi pa naman pala isang management contract, bagama’t sinasabi ngang kasunod na iyon.
Nagtataka kami kung bakit nauna pa ang kanyang music contract eh hindi naman siya singer, pero siguro nga naisip nila na additional credentials niya iyon sa paghahanap niya ng trabaho sa Hollywood.
Kasi talagang ang alam namin wala na halos kumpanya ng pelikula sa Hollywood eh. Lahat ng pelikulang Ingles na napapanood natin ay “off Hollywood movies” na.
Pero babalik daw agad si Liza sa US para sa workshops, so mag-aaral pa siyang umarte ulit, at saka additional credentials nga iyan sa pag-aaply niya sa trabaho kung masasabing nakasali siya sa acting workshops doon.
Ang tanong lang gaano karami at gaano katagal ang sasalihan niyang workshops? Kailan pa siya magkakaroon ng pelikula kahit na extra lang, kahit na cameo role lang gaya noong ginawa ni Kris Aquino na nadaanan lang ng camera for 15 seconds.
Nililihim ang sakit...
Hanggang ngayon ay hindi maliwanag kung ano nga ba ang sinasabi nilang sakit ni Nora Aunor. Hindi rin binabanggit kung saang ospital siya naka-confine.
Siguro nga gusto nilang manatili ang privacy at huwag munang magkaroon ng alalahanin.
Ni hindi nga nila sinasabi kung kailan siya nagkasakit, kaya nga marami ang nabigla nang hindi siya nakadalo sa proklamasyon ng National Artist dahil diumano hindi na siya pinayagan ng kanyang doctor.
Senior citizen na si Nora at ngayon nga ay may commorbidity pa dahil sa kanyang sakit kung ano man iyon kaya siguro talagang hindi na siya nakakalabas.
Pero sa palagay naman namin, tutal hindi naman nila inililihim na may sakit siya, dapat sabihin na rin nila sa publiko kung ano ang sakit niya.
Ano naman ang malay ninyo kung may ibang makatulong pa.
Isa pa, bagama’t maganda naman ang katayuan sa buhay ng kanyang mga anak sa ngayon, baka kailanganin din ni Nora ang karagdagang tulong dahil sa kanyang karamdaman.
Maraming fans si Nora na matatanda na rin na nag-aalala sa kanyang kalagayan. Apektado rin niyan ang kanilang buhay, lalo na nga’t may mga edad na rin.
Sana kung ano man ang kanyang sakit ay gumaling na nga agad si Nora. May reputation naman siyang nalalampasan niya kahit na anong problema.
Female star na wala nang career, sikat pa rin ang pakiramdam
Awang-awa kami sa isang female star na wala na talagang career at wala nang following pero naniniwala pa ring sikat siya at makakagawa ng hit project sa kanyang comeback.
Ang inaasahan ng iba, dahil iyon naman ang uso ngayon, at gusto nga niyang makapag-comeback pagkatapos ng dalawang taon.
Parang gusto na rin niyang magpa-sexy sa pelikula. Eh sexy pa nga ba siya?