Ate Vi, may panawagan para kay Nora
Nanawagan ang Star For All Seasons na si Vilma Santos sa lahat, lalo na sa Vilmanians na kung magkakaroon ng project ngayon si Nora Aunor, matapos na siya ay ideklarang national artist ay dapat na suportahan naman nilang lahat.
“Iyong karangalan na iyan, magkakaroon nang higit na kabuluhan kung susuportahan ng fans. Hindi puwede iyong binigyan lang ng honor tapos wala namang support. May cash grant iyan ayon sa batas, pero hindi naman kalakihan, may pension support din pero magkano lang iyon. Ang kailangan talaga natin ay suporta sa sining, lalo na nga sa mga national artist sa pelikula. Hindi lang si Nora, ganoon din ang mga pelikula ni Ricky Lee. Ang mga national artist, pinarangalan iyan ng bayan, ipakita natin ang pagpaparangal na iyan,” pahayag ni Ate Vi kaugnay sa pagkakahiran ng kanyang kumare bilang isa sa mga national artist.
Dagdag pa niya :“Dapat magtulungan tayo para sa industriya ng pelikula. Iyong labanan namin ni Nora, noong araw pa iyon. Tapos na ang panahong iyon. Alam naman natin kung ano ang kalagayan ng isa’t isa sa ngayon. Dapat kalimutan na iyong kumpetisyon at magtulungan muna. May isang industriya tayong kailangang ibangon. Matagal na napabayaan ang industriya. Wala na halos gumagawa ng pelikula. Wala na ring maipalabas sa mga sinehan.”
Pelikula ni KC, Filmfest din ang target
Nagkakaroon ng delay ang pelikulang Asian Persuasion, isang pelikulang ginagawa sa US na ang bida ay si KC Concepcion. Aminado naman ang producers noon, kinapos sila ng puhunan. Kasi habang nagsi-shooting daw sila ng pelikula, isa sa kanilang kasama ay tinamaan ng COVID-19, nagkaroon ng delay at nalugi nga sila agad dahil sa delay na iyon. Hindi naman nila sinisisi si KC, pero siya ang tinamaan ng malubhang sakit na COVID-19.
Ngayon nananawagan sila ng public support para matapos ang pelikula. Hindi rin naman maliwanag kung ang hinahanap nila ay donors, o investors para matapos nila ang pelikula.
Dapat investors ang hanapin nila dahil negosyo nila iyan eh. Kung hindi raw matatapos sa oras, sasabit ang dapat sana ay gagawing premiere noon sa isang film festival. Kung festival ang target, minor film din pala iyan. Parang indie lang. Kasi kung iyan ay isang major project, ang dapat na target niyan ay commercial theater circuits, hindi festivals.
Male Star, nang-1-2-3 ng mekaniko
Nasiraan ng sasakayan ang isang male star. Sa tulong ng mga istambay, naitulak iyon papunta sa isang malapit na talyer. Inayos ng mekaniko ang sasakyan. Pinalitan din ng spark plugs. Dinagdagan pa raw ng langis. Noong maayos na, itinest drive ng male star ang kanyang sasakyan kung maayos na nga ang takbo.
Pero tinuluyan na niya ang test drive at hindi na bumalik sa talyer para bayaran ang mekaniko at ang mga ipinalit sa kanyang kotse.
Kawawa naman ang mekaniko, na–1-2-3 pa.
- Latest