Ate Vi, planado ang mga gagawin sa pagbabalik-showbiz
Ilang araw na lang ay matatapos na ang termino ni Ate Vi (Vilma Santos), naghahanda na ito sa kanyang pagbabalik-showbiz at nakapili na ng mga proyektong gagawin.
“Ngayon masasabi ko nang balik showbiz na talaga ako, dahil matatapos na ng term ko in a few more days, tapos nai-turn over na naming lahat ang mga important documents sa opisina ni Ralph (Recto) na siya nang congressman ng Lipa ngayon,” umpisa ni Ate Vi sa aming chikahan.
“Actually may mga napili na akong projects na gagawin, hindi ko lang alam ang mauuna depende sa schedule at sa schedule nila. Hindi lang naman ako ang magsasabi kung kailan kami makapagsisimula ng trabaho.
“At ang gagawin naming projects, ang target talaga ay mailabas sa mga sinehan,” pahayag pa niya.
Katulad ng mga nabanggit niya sa aming mga naunang pag-uusap, ay maibalik sa dating sigla ang panonood ng pelikula at hindi lang sa mga internet platform na hindi na rin dumadaan sa MTRCB.
May nagsasabing sa pagkawala ni Susan Roces, siya na ang pinaka-senior sa mga tinatawag na movie queens. Ano ang masasabi niya roon?
“From the start, hindi ako particular sa mga title eh. Natatandaan ko, una akong tinawag na movie queen noong araw pa, may inilabas silang magazine na ipinangalan sa akin, Movie Queen Vilma Santos, pero tapos nga dahil naman sa TV, tinawag nila akong Star for All Seasons. Mukhang iyon ang mas tumatak sa isipan ng mga tao.”
Dagdag niya, nawala man si Susan, nanatili naman ang legacy nito bilang movie queen.
Sheryl, sa social media nag-eulogy
Kagaya ng nasabi na namin, ayaw naming sakyan pa ang mga intriga. Pero hindi maiwasan dahil sa isang video post ni Sheryl Cruz sa kanyang social media account kung saan niya ginawa ang kanyang eulogy at pagbibigay parangal sa kanyang “Mommy Inday.”
Sinimulan ni Sheryl ang kanyang statement sa pagsasabing, “a lot of people were asking kung bakit daw ako, na close blood relative ni Mommy Inday was not given the chance to speak during her wake. Kaya ginagawa ko ang aking eulogy for Mommy Inday on social media.”
May pumigil nga ba kay Sheryl na magbigay ng eulogy niya sa necrological service para kay Susan Roces, o nabigyan lang ng pagkakataon ang iba na gusto ring magbigay ng pahayag, considering na bilang kaanak maiintindihan ni Sheryl na mas mabigyan ng pagkakataon ang iba?
O talaga nga bang may mga intriga na hindi natin alam?
Baklang writer, tumodo sa pangangampanya para makaupo sana sa MTRCB
Marami ang nagtatanong sa amin kung sino iyong nag-apply na MTRCB chairman. Hindi naman daw nag-apply, pero kaya pala do or die siya sa pagkakampanya sa isang kandidato ay dahil daw sa pangako noon na kung siya ang mananalo, ang baklang writer ang gagawing MTRCB chairman o director general ng isa pang ahensiyang may kinalaman sa pelikula.
Kaya pala “pakamatay” sa pagkakampanya ang bakla, eh na-lost.
- Latest