Nagbabalik sa pag-arte ang former That’s Entertainment member na si Shirley Fuentes. Si Shirley ang isa sa may pinakamagandang mukha sa showbiz noong ‘90s kung saan nakasabay niya sa pagpasok sa showbiz sina Sunshine Cruz, Karla Estrada at Jackie Forster.
Hindi madalas gumawa ng teleserye si Shirley. Ilan lang sa mga nagawa niya ay Saan Darating Ang Umaga? (2008), Blusang Itim (2011) at lkaw Lang Ang Mamahalin (2011). Ngayon daw ay gusto na niyang bumalik sa pag-arte at na-cast siya bilang kontrabida sa Raya Sirena.
“Bihira ako tumanggap ng teleserye talaga. I’m more on hosting before sa Walang Tulugan with the Master Showman. When Kuya Germs passed away at mawala ‘yung show niya, nag-focus muna ako sa negosyo ko at sa pagpapalaki ng anak ko. Now, I feel na it’s the right time na bumalik sa acting. I missed acting at mabuti na lang and they offered me this role sa Raya Sirena. Gusto ko ang maging kontrabida naman para maiba sa mga dati kong ginagawa,” sey ni Shirley.
Nanibago raw si Shirley sa muling pagbalik niya sa pag-arte dahil marami nang pagbabago. Natuwa naman siyang mapaligiran ng mga bagong artista ngayon.
“Nakakabata sila, sa totoo lang. Napaka-professional ng mga artista ngayon at ang gagaling nilang umarte, lalo na itong si Sofia Pablo as Raya, she’s very, very good kaya dapat abangan nila ito,” papuri pa ni Shirley.
Thea, pinagsabay ang trabaho at pag-aaral
Kapag may tiyaga, may nilaga. Ito ang mga salitang pinanghahawakan ng Kapuso actress na si Thea Tolentino habang pilit niyang mapagsabay ang pag-aartista at pag-aaral sa kolehiyo.
Isa sa pangarap at pangako ni Thea sa kanyang pamilya ay magtatapos siya ng pag-aaral kahit ano pang ang mangyari. Kahit na pagod mula sa magdamagang taping noon si Thea, pumapasok pa rin siya sa kanyang klase sa Trinity University of Asia kung saan kumukuha siya ng kursong Business Administration major in Public Administration.
Noong magkaroon ng pandemic, sa online classes nagtiyagang um-attend si Thea habang naka-lock-in taping naman siya para sa teleserye na Las Hermanas.
Ngayon ay makakasama na si Thea sa graduation rites sa June 25, 2022 dahil pasado siya sa kanyang napiling kurso.
Pinost pa ni Thea ang photo niya na suot ang graduation gown niya. Iba raw ang feeling dahil nalagpasan niya ang lahat ng pagsubok at ngayon ay natupad niya ang pangako sa kanyang pamilya.
Pero bago siya tumanggap ng college diploma, tinatapos muna ni Thea ang romcom movie na Take Me To Banaue ng Carpe Diem Pictures na isang independent movie production based in the US.