Pinupuri ng mga kababaihan ngayon si Ana Jalandoni dahil sa matapang niyang pagsasalita at pagsasampa ng kaso laban sa dati niyang boyfriend na si Kit Thompson.
Hindi madali para sa isang babae ang humarap sa publiko at ikwento ang kanyang masakit na pinagdaanan sa piling ng lalaking minahal.
Sa mediacon na ginanap last Monday kung saan ay humarap nga sa unang pagkakataon si Ana sa entertainment press matapos ang insidente ng pambubugbog sa kanya ni Kit, makikita sa aktres-producer na masakit na masakit pa rin talaga sa kanya ang nangyari.
Aniya, pagkatapos ng nangyari ay hirap na hirap siyang makatulog at halos gabi-gabi’y binabangungot siya.
“Anxiety, lahat-lahat na, natatakot ako. Sa ospital, hindi ako natutulog. Nahihirapan po ako. Hanggang ngayon. Traumang-trauma ho ako,” umiiyak na pahayag ni Ana.
Pinatunayan naman ito ng isa sa mga abogado ni Ana na si Atty. Faye Singson. “The following days right after the incident, I would receive a call from her, tatawag siya sa umaga. Siyempre, una kong tatanungin, ‘kumusta ka? Nakatulog ka ba?’ ‘Yan mismo ang sasabihin niya. She would break down and cry, ‘hindi ako nakatulog, nanaginip ako, every detail are relived in my head, bangungot, nightmare, akala ko, totoo ulit,’” kwento ni Atty. Singson.
“So, every waking hour, every sleeping hour, ‘yun at ‘yun ang tumatakbo sa isip niya,” dagdag pa ng abogada.
Idinetalye rin ni Ana ang mga ginawa sa kanya ni Kit that evening of March 17 habang nasa isang hotel sila sa Tagaytay. “Sampal po, tapos sinuntok din niya ulo ko, nasakal niya rin ako,” she said.
Ipinakita rin sa mediacon ang mga larawan ni Ana right after the mauling incident at makikita ngang halos bugbog-sarado ang mukha aktres at may mga pasa sa iba’t ibang parte ng katawan.
Humarap nga si Ana na may pasa pa sa ilalim ng kanyang mata na matinding napuruhan. Blurred pa rin daw ang isa niyang mata pero in-assure naman daw sa kanya ng doktor na babalik din daw ito sa normal.
Desidido si Ana at ang kanyang pamilya na papanagutin si Kit sa ginawa nito. Ayon sa ama ng aktres na si Mr. Lawrence Jalandoni, kaya naman daw nilang patawarin ang aktor pero dapat ay mapatawan pa rin daw ito ng karampatang parusa sa ginawa sa anak niya.
Mensahe naman ni Ana sa mga kababaihang tulad niya ay nakakaranas din ng physical abuse, huwag nilang hayaang masaktan sila ng mga lalaki.
“Hindi po ‘yan dapat gayahin ng kahit sinuman. Dapat labanan n’yo po, lakasan n’yo po ang loob n’yo. Huwag po kayong papayag na saktan kayo ng isang lalaki,” she said.
Sa ngayon ay nahaharap si Kit sa reklamong paglabag sa Section 5 ng Republic Act 9262 o Anti-Violence Against Women and Children Act.
Samantala, bukas ang pahina ng Pang Masa para sa pahayag ni Kit o ng kanyang kampo.