Pero mahal pa rin ang actor Kit Thompson kakasuhan din ni Ana Jalandoni ng illegal detention at frustrated homicide
Inamin kahapon ni Ana Jalandoni na selos ang dahilan ng galit ng boyfriend na si Kit Thompson na umabot sa bugbugan sa isang hotel sa Tagaytay more than a week ago.
Pero itinanggi niyang may third party involved. Though kinumpisal niyang ikinasal siya sa Amerika noong September 2017 pero ‘di nagtagal dahil December sila umuwi ng Pilipinas at January of 2018 ay hiwalay na siya sa pinakasalan.
Kahapon nga ay humarap sa entertainment media si Ana para isapubliko na kakasuhan pa nila ang aktor ng frustrated homicide and illegal detention bukod sa nauna nilang isinampa na violation of Section 5 (a) of the Republic Act 9262 o Anti-Violence against Women and Children Act noong March 19 ayon kay Atty. Faye Singson. Nakalabas na sa kulungan si Kit sa nauna nilang ikinaso.
Ito ang unang pagkakataon na nagsalita si Ana matapos nga ang insidente ng pambubugbog sa kanya ng boyfriend of four months na si Kit.
Maalalang noong Marso 18 ay sumabog ang balitang binugbog ni Kit si Ana habang naka-check-in sila sa Amega Hotel.
Nanghingi ng tulong si Ana sa ilang kaibigan niya at doon na nga siya ni-rescue ng mga pulis at kaagad siyang dinala sa hospital habang si Kit ay dinala sa presinto at inimbestigahan hanggang nakulong ito.
Ilang araw ding naglagi sa hospital si Ana at base sa mga inilabas nilang larawan kahapon pagkatapos ng bugbugan, halos nakapikit na ang mga mata ng actress / producer sa matinding tama sa kanyang mukha. Hanggang sa kanyang hita may mga pasa.
Maayos-ayos na ang hitsura ng mga mata ni Ana kahapon kasama ang mga lawyer niya at amang si Mr. Lawrence Jalandoni at kapatid na si Marie na unang dumamay sa kanya sa Tagaytay.
Ilang beses umiyak si Ana sa nasabing media gathering dahil hindi niya raw talaga inasahan na gagawin ito sa kanya ng taong mahal niya na inaalok na pala siya ng kasal.
Hindi halos siya makapagsalita at nagbi-breakdown nang siya mismo ang magkuwento sa naganap noong araw na iyon ng March 17 na nagpunta sila sa Tagaytay at nag-check-in sa hotel. Inamin ng aktres na may dala silang dalawang alak at nag-inuman sila.
Hanggang ramdam niyang pareho na silang tipsy.
At dahil doon, gusto niyang tawagan ang isa niyang kaibigan, besftriend niyang si Victoria, para sabihin na nasa hotel nga sila.
Pero mahina raw ang signal sa room nila ni Kit kaya umakyat siya at lumabas ng pinto. Dahil tipsy, parang naidlip siya sa paghahanap ng signal. Hanggang nakita siya ng guard at sinabi kay Kit na nakatulog kaya kinuha siya ng karelasyon mula sa 3rd floor at ipinasok sa room nila.
Nang ilagay siya sa bed ay sinampal diumano siya nito para magising.
At ‘yun ang umpisa sa naganap na bugbugan.
Nabanggit din ni Ana na hindi iyon ang unang beses na sinaktan siya ng aktor. Nasampal na rin siya diumano nito minsan at doon pa lang ay alam niyang may mali sa boyfriend at sinabihan niya itong hindi dapat ganun.
Nabanggit niya rin na may anger management issues si Kit.
Sa tanong kung kaya pa niyang patawarin si Kit, isang maikling “opo” lang ang kanyang isinagot at kung may mensahe man siya rito, “fix yourself.”
Sinabi rin niyang mahal niya ang actor pero gusto raw niyang pagbayaran nito ang ginawa sa kanya.
Matindi raw ang trauma sa kanya at hindi siya nakakatulog.
- Latest