Ate Vi, seseryosohin na ang pagiging vlogger
Maski kami ay nagulat nang makita namin ang isang teaser na nagpapakita kay Congresswoman Vilma Santos sa loob mismo ng Metropolitan Theater. Wala namang sinabi kundi “soon,” kaya tinawagan namin si Ate Vi para malaman kung ano talaga iyon. May ginawa ba siyang show?
Iyon pala ay isang vlog tungkol sa MET na ginawa ni Ate Vi kasama ang ilan niyang mga dating katrabaho sa show noon sa GMA, ang Vilma. Sa loob ng mahabang panahon, noong wala pang makuhang maluwag na schedule sa studios ng GMA noon, sa MET ginagawa ng live ang Vilma.
Kasi nang lumipat siya noon sa GMA 7 matapos ang show sa BBC 2, isa sa mga kondisyon niya ay dapat may live audience, kasi nga noong mga panahong iyon tanging sa show lamang nagkakaroon ng pagkakataon ang fans na makita siya nang personal. Ang ginagawa naman nila, hindi lahat sabay-sabay. Kanya-kanyang schedule ang fans para mapagbigyang lahat.
Noon namang panahong iyon, hindi na halos nagagamit ang MET at ang Vilma na lang ang regular na ginagawa roon.
Binisita nila ang MET matapos na i-restore. Ang namamahala ngayon ay ang NCCA na pinamumunuan ni Nick Lizaso na presidente rin ng CCP. Ang CCP ay tumulong din naman sa opening ng Cultural Center ng Lipa, at nag-concert doon ang Philippine Philharmonic Orchestra.
Pinipilit nila na ang documentary vlog ay mailabas mismo sa Vilma Santos Recto page bukas ng gabi, pero kung hindi man dahil talagang mabusisi iyan dahil docu talaga eh, sa susunod na Sunday na raw. “Pero sa November, 60 years ko na sa show business, at plano kong i-celebrate iyan sa paggawa ng isang special. Hahanap din tayo ng mga ka-collab diyan at gusto kong gawin iyan sa Met. Hindi lang dahil sa ginamit ng show ko ang Met. Makasaysayan iyan at malaki ang bahagi niyan sa kasaysayan ng entertainment sa ating bansa. Ang feeling ko, as I celebrate, binibigyang alaala din naman natin ang kasaysayan. Iyang mga ganyang projects ang balak ko ngayon, hindi lang puro entertainment pero may kabuluhan talaga,” sabi ni Ate Vi.
Paolo at Yen, ‘di nakaiwas sa mga marites
Sa kabila ng pagsasabing wala na silang relasyon, na uminit lang naman matapos ang paghihiwalay nina Paolo Contis at LJ Reyes noon, nakita na naman ang actor ilang araw lamang ang nakaraan kasama si Yen Santos, at namamasyal sila sa Rockwell “as a friend, holding hands while walking” pa silang dalawa. Natiyempuhan naman sila ng mga Marites at kinunan pa ng video para mapatunayang may nakita nga silang “latest.” Iyan talaga ang hirap ng panahon ngayon, hindi mo kilala kung sino ang marites na nakasubaybay sa iyo at sa ilang sandali lamang nasa social media ka na.
Puwedeng sabihin na invasion of privacy iyan in a way, pero kasi ang isang mall ay isang public place kaya wala ka ring laban. Ngayon kung ayaw mong matsismis, huwag ka nang lumabas ng bahay mo.
Poging tiktoker na patok sa halayan, nakakaligtas sa pagbabayad ng buwis
Malaki rin pala talaga ang kinikita ng mga sex video na naka-plug lamang sa internet, pero nagaganap ang bentahan in private.
Sa videos na nakikita sa social media, walang mahalay pero mapanukso lang, pero sa ipinadadala pala sa mga bibili ng videos sa abroad, talagang grabehan.
Ang isa raw sa malakas ang benta sa ngayon ay ang video ng isang poging TikToker. Ang masama, bukod sa para silang nag-aalok ng prostitusyon na nakakasira sa image ng Pinoy, nakakaligtas pa ang mga iyan sa pagbabayad ng tax.
- Latest