Ate Vi, aminadong ‘di kayang I-handle ang economic problem
Tahimik sina Ate Vi (Vilma Santos) sa kanilang tahanan. Wala kang makikita na anumang bahid ng pulitika o eleksiyon. Common knowledge na hindi kumandidato si Ate Vi, si Senator Ralph Recto naman at local position lang, bilang kapalit ni Ate Vi sa kongreso at unopposed sa lone district ng Lipa.
Ang sinasabi nga ng mga taga-Lipa, pagkilala iyon at respeto sa lahat ng nagawa ni Senator Ralph at Ate Vi para sa lungsod kaya wala nang lumaban sa kanila ngayon. Kaya nga si Ate Vi, relaxed din.
“Ang totoo, nakakatakot ang economic situation. Apektado na tayo ng giyera sa Ukraine. Magkano na ang gasolina? At sinasabing baka nga raw umabot pa sa 100 pesos isang litro ng gasolina. Kasabay niyan tataas ang pamasahe, ang presyo ng lahat ng bilihin, lalo na nga ang pagkain. Kung ako siguro ang magiging congresswoman pa rin, hindi ko na alam ang gagawin ko. Mahirap iyan eh dahil hindi mo naman kontrolado ang sitwasyon. Buong mundo problema iyan. Hindi pa tayo natatapos sa pandemya, ito namang economic problem na ito.
“Sabi ko nga ipinag-aadya ako ng Diyos dahil kung ako iyan, aminado ako na hindi ko kayang harapin ang ganyang problema. Si Ralph kaya niya iyan, ekonomista eh.
“Isipin mo kung umabot nga sa isandaan ang litro ng gasolina, aba eh baka nga sabihing maglakad na lang ang lahat ng mga tao.
“Kung hindi naman, babalik na naman tayo sa work from home,” sabi ni Ate Vi.
Hindi kaya matindi rin ang effect niyan sa showbiz na gusto niyang balikan ngayon? “Dalawang bagay iyan. Kung titingnan mo ang history, noong magkaroon ng sinasabi nilang ‘great economic depression’ noong 1929 hanggang 1939, sinasabing noon nagsimulang lumakas ang pelikula, ang show business sa kabuuan. Noon nagsimula at lumakas ang Hollywood. Mahirap ang buhay at kahit na sandali gustong matakasan ng mga tao ang problema. Naghanap sila ng entertainment.
“May nagsasabi naman na kung nagkakagutom na manonood ka pa ba naman ng sine o concert? Pero ako naman laging maliwanag ang pananaw ko sa buhay. Naniniwala ako sa mas mabuti. Palagay ko magsu-survive naman tayo. Kami nga nalampasan namin iyong magkasunod na pagsabog ng Taal at COVID, iyan pang gulo lang ng Russia at Ukraine? Makakaya iyan ng Pilipino,” patapos na pahayag ni Ate Vi.
Sex video ng That’s My Bae grand winner, pinagpasa-pasahan na
Grand winner ng That’s My Bae contest sa Eat Bulaga si Kenneth Earl Medrano ng Cebu. May iba sa kanila na nabigyan ng break, at ginawa silang dancers sa show. Pero hindi rin tumagal inalis na rin sila sa show. Nawala na ang marami. Si Kenneth, ang balita ay nagbalik na sa Cebu, dahil tagaroon naman siya, at naroroon din ang kanyang pamilya. May asawa’t isang anak na si Kenneth. Nakikita na lang siya, at nakakaugnayan ng kanyang naging fans sa pamamagitan ng social media.
Hindi namin alam kung may nagalit ba sa kanya o kung ano man ang dahilan at may naglabas ng isang self sex video ni Kenneth sa isang social media platform, na hinati pa sa tatlong parts dahil mahaba nga. Malabo na ang video dahil siguro sa kakokopya, pero makikilala pa rin siya dahil sa mukha at sa kanyang mga tattoo sa dibdib.
Ipagpalagay man nating nagawa iyon ni Kenneth for whatever reasons, unfair naman sa kanya na ikinakalat iyan nang ganyan. Ano ang gusto ninyo, masira ang buhay noong tao?
Ibang personalidad, ‘di maamin ang pagkalaos
Ang pinakamahirap na tanggapin ng isang tao sa show business ay iyong katotohanang laos na siya. Basta laos na ang isang personalidad asahan mo na gagawin niyan ang lahat, kahit na suntok sa buwan, para makabangon o masabi lamang na sikat pa siya. Hahanap iyan ng mga taong puwedeng sisihin.
Iyan ang talagang nangyayari sa ilang showbiz personalities ngayon, hindi nila matanggap na tapos na ang kanilang panahon.
Hindi niya maamin na wala nang kinang ang kanilang pangalan, at sira na ang kanilang kredibilidad.
Kung matatanggap lang nila iyon, mas mapapanatag ang kanilang kalooban.
- Latest