Ernie Lopez, dumayo sa malalayong isla!

MANILA, Philippines — Bumiyahe kamakailan si G Diaries host Ernie Lopez kasama ang Sagip Kapamilya team sa mga malalayong isla ng Bohol at Cebu upang makapag-abot ng tulong sa mga pamilyang hindi pa nakakabangon mula sa pagragasa ng bagyong Odette.

Sinundan ng G Diaries ang paglalakbay at ang personal na pagsasalaysay ni Ernie, na siya ring director for advocacy ng ABS-CBN Foundation, sa tatlong special episodes ng programa na pinamagatang Operation Odette: Isang Daan sa Pagtutulungan. Napapanood NA ang unang episode ngayong Linggo (Marso 6).

Ang bagyong Odette, na tumama sa Pilipinas noong Disyembre 16, 2021, ay ang pinakamalakas na bagyo nitong mga nakaraang taon, pangalawa lamang sa Yolanda noong 2013. Ito ay nakaapekto sa 1.4 milyong Pilipino at umabot sa P 40.8 bilyong halaga ng pinsala sa agrikultura, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council.

Nasaksihan ni Ernie na matapos ang tatlong buwan, may mga pamayanan sa isla sa Bohol na wala pa ring kuryente at tubig. Maraming residente pa rin ang walang trabaho at walang tirahan dahil hindi nila kayang maayos ang kanilang mga nagibang mga tahanan.

Nakapag-abot din ng home repair kits sa 300 na mga pamilya ng Loon, Bohol si Ernie, kasama ang Sagip Kapamilya, ang programa ng ABS-CBN Foundation na agarang tumutugon sa mga sakuna.

Show comments