Kung magsalita ang mga artistang nagsusulong na magkaroon ng batas sa diborsiyo sa Pilipinas, akala mo ganun lang kasimple iyon. Lagi nilang iginigiit ‘bakit pinipilit pang magsama ang hindi
na magkakasundo.’
Sinasabi rin nilang sa lahat ng bansa sa buong mundo ay kinikilala na ang diborsiyo, maliban sa Pilipinas at sa Vatican state.
Ilang ulit na rin naman ‘yang tinalakay sa kongreso, pero in the end maraming mga mambabatas ang tumutol kaya wala ring nangyari.
Dito sa atin ay pinapayagan naman ang annulment. Ang kaibahan noon sa divorce, ang annulment ay deklarasyon na walang bisa ang kasal sa simula’t simula. Pero bagama’t annulment nga iyan, parang divorce na rin.
Isang magandang halimbawa ang kaso ni Aiko Melendez. Nakakuha siya ng annulment sa naging kasal nila ni Jomari Yllana, at napakasalan si Martin Jickain. Pero nang magkahiwalay, nakakuhang muli ng annulment si Aiko sa kasal sa pangalawang asawa na lumalabas na parang may divorce na rin.
Ngayon ay may bago na uli siyang ka-relasyon.
Nakakuha rin ng annulment sa kanyang kasal kay Cesar Montano ang aktres na si Sunshine Cruz, at ngayon maaari siyang pakasal kanino man at kung kailan niya gusto.
Nakakuha rin ng annulment ng kanyang kasal sa unang asawang si Marie Christine Jolly ang actor na si Derek Ramsay, kaya napakasalan niya si Ellen Adarna.
Nakakuha rin ng annulment si Sharon Cuneta sa kanyang kasal sa unang asawang si Gabby Concepcion at naikasal kay Sen. Kiko Pangilinan.
Bukod sa kanila, marami pang stars ang nakalinya at naghihintay ng annulment ng kanilang kasal.
Pero mas madali nga ba ang divorce?
“Sa akin naging madali ang divorce dahil nang dumating sa akin ang petition, pinirmahan ko na lang. Hindi mahirap ang divorce namin dahil formality lang iyon. Hindi naman valid ang naging kasal namin sa US dahil wala kaming dalang proper documents noon ni Ralph (Recto),” pagbabalik tanaw ni Vilma Santos tungkol sa usapin ng deborsyo na ngayon nga ay mainit na pinag-uusapan dahil sa pangako ng ibang pulitiko na itutulak ang deborsyo sa bansa pag sila ay nahalal.
In Vitro, ginagastusan
May isa pang issue - ang ‘in vitro fertilization’ lalo na sa mga bading at lesbyana na namumuhay bilang mag-asawa. Walang issue sa mag-asawang babae at lalaki, maliban sa malaking gastos, dahil ang mga punla ay sa kanila rin naman mismo nanggagaling.
Sa kaso ng dalawang bakla, isa lang ang may kaugnayan sa bata, iyong pinagmulan ng semilya. Pero ang partner ay walang partisipasyon.
Sa mga lesbiyana, naghahanap sila ng sperm donor na gagamitin para mag-fertilize sa egg cell ng isa, at tapos ilalagay iyon sa sinapupunan ng isang partner na siyang magbubuntis.
Mas maraming mga star ang nag-aampon na lang. Tulad nina Judy Ann Santos, Claudine Barretto at marami pang iba.
Maraming mga bata ang naghihintay ng kakalinga sa kanila, bakit hindi na lang sila ang kalingain kaysa sumailalim pa sa in vitro fertilization, na bukod sa napakalaking gastos, hindi rin naman
lubusang masasabi na anak nga nila, dahil may donor na hindi bahagi ng kanilang dugo.