Parade of Stars sa ilog Pasig, indie film ang peg!  

Siyempre magkakaiba ang pananaw sa mga balita, pero kung ang pagbabatayan namin ay iyong nakita naming mga tao na nasa tabing ilog doon sa Guadalupe, sa tulay sa EDSA, at ilang bahagi ng Mandaluyong, kakaunti iyon kung ikukumpara mo sa mga nakasanayan nating nanonood ng parada ng MMFF, kung ginagawa ‘yan sa dating ruta.

Baka nga ilan lang ang nakaalam na sa ilog pala sila dumaan dahil nabalita lang naman iyan sa social media.

Marami rin naman ang disappointed dahil bukod sa umuulan na, wala silang nakitang malalaking stars. Hindi rin gaanong makulay ang mga ferry, hindi nagayakan na kagaya ng mga float noong araw. Sabi nga ng isang nanonood, “pati float indie rin.” Ibig sabihin “tinipid.” 

Aywan din kung bakit, dati naman kahit na sa Channel 4 lang, ipinalalabas sa telebisyon ang parada. May mga spot reports din ang ABS-CBN, GMA 7 at TV5. Ngayon wala at sa social media lang daw may live.

Hindi rin sila umalis sa Makati. Nagsimula sila sa Guadalupe ferry station sa Makati, at natapos din sa isang commercial complex sa Makati rin. Kaya nga siguro hindi rin masyadong nag-participate ang ibang lungsod sa Metro Manila.

Huwag naman sana, pero kung pagbabatayan ay ang feedback na nakuha namin sa ginawang parada sa ilog, nakakatakot ang maaaring maging resulta sa takilya ng festival na ‘yan.

Siguro nga ang nasa isip nila, basta mairaos na lang iyan, at least mas mabuti-buti ngayon kaysa noong nakaraang taon na napanood sila sa internet lang talaga.

At least ngayon may sinehan kahit papaano, at siguro hindi man maganda ang resulta ngayon, masasabi namang “may COVID kasi.” At maaaring mas umayos na lang iyan sa mga darating na panahon, kung uso pa ang pelikula at sine.

“Frustrating. Hindi ko akalain na babagsak ang festival nang ganyan,” sabi ng isang kilalang industry leader. Sino nga ba ang makakaisip niyan.

Ang festival ang isa sa pinakamalaking event simula noong 1966 nang simulan iyan ng Maynila. Patuloy na lumaki iyan hanggang noong 1975, nang napagtagumpayan ng noon ay Mayor ng San Juan at presidente ng PMPPA na si Joseph Estrada, at Censors chief Gimo de Vega, na mapalawak iyan at sakupin ang buong Metro Manila. Nagpatuloy sa paglaki ang kita ng festival.

Bumagsak lang ang festival noong 2016, nang i-reject nila ang box office movies at ang inilabas ay puro indie.

Bagsak ang kita, hindi sila halos inilabas sa mga probinsiya, kaya nang sumunod na taon, naglabas ulit sila ng commercially viable films.

Joed Serrano, hindi napag-aralan ang sinabing P800 million na campaign budget

Mali naman yata iyong sinabi ni Joed Serrano na kaya siya umatras sa pagkandidato bilang senador ay dahil sa “required 800M campaign budget.”

Wala kaming alam na may required budget ang mga kandidato, nasa kanila iyan kung papaano sila magkakampanya. Ayon nga sa batas, ang isang kandidato ay hindi dapat gumasta ng mahigit sa piso at singkuwenta sentimos sa bawat botante.
Ang kanyang partido ay maaaring gumastos din nang ganoon. Ang isang senador batay sa batas ay may suweldo lamang P35K isang buwan, ibig sabihin sa loob ng anim na taon kikita lamang siya ng P2,520,000.

Kung gagastos siya ng walong daang milyon sa kampanya pa lang gaya ng sabi ni Joed, saan niya babawiin iyon, sa graft and corruption? Naguluhan kami sa statement niyang iyon. Bakit ganoon kalaki, may kasama bang vote buying?

Sana pinag-aaralan muna ang bawat statement bago ilabas.

TV5, tuloy ang pangangalap ng donasyon para sa mga binagyo

Patuloy pa rin daw tumatanggap ng donasyon ang TV5 para sa mga biktima ng bagyong Odette. Iyan ang ipinaalam sa amin ni Laila Chikadora na nagsabi rin sa amin na maaaring abutin ng buwan ang relief operations. Kailangan ang pagkain at maiinom na tubig.

Tuluy-tuloy rin ang tulong ng Philippine Red Cross sa mga biktima ng bagyo. Ang Red Cross ay hindi gobyerno. Iyan ay isang samahang sibiko sa ilalim ng International Red Cross and Red Crescent Societies sa Geneva, Switzerland.

Kung kayo po ay tutulong, tumulong kayo sa pamamagitan ng mga maaasahang ahensiya, sa simbahan, at hindi sa mga pulitikong gagamitin lang din ang pagtulong sa kanilang kampanya.

Show comments