^

Pang Movies

Ate Vi, emosyonal sa natanggap na ‘retirement pay’  

ISYU AT BANAT - Ed de Leon - Pang-masa
Ate Vi, emosyonal sa natanggap na ‘retirement pay’           

Ang tindi ng traffic, kahit na saang lugar sa Batangas, noong Miyerkules. Sabay-sabay kasing nagdiwang ang mga simbahan ng kapistahan ng Immaculate Conception, at ang totoo ang imahen ng Our Lady of Caysasay na patrona ng Taal at ng buong Batangas din ay Immaculate Conception. Ipinagdiwang nila ang ika-418 taon ng pagkakatatag ng simbahan ng Birhen sa Taal, na siyang pinakamalaking basilica sa buong Asya.

Kasabay noon ginugunita rin nila ang ika 67 taon ng koronasyon ng Birhen. Iyon ay pinutungan ng korona noong Dec. 8,1954 sa kautusan ng noon ay Santo Papa Pius XII.

Doon naman sa Batangas City, ginugunita nila ang ika 440 na taong pagkakatatag ng lalawigan ng Batangas. At kasabay noon, binigyan nila ng natatanging parangal ang Congresswoman ngayon ng Lipa at dati nilang gobernador na si Congresswoman Vilma Santos. Siya ay ginawaran ng titulong Dangal ng Batangan, Dakilang Lingkod Bayan, dahil sa kanyang malinis at tuluy-tuloy na paglilingkod sa lalawigan sa loob ng 23 taon.

Si Ate Vi, kahit na nga noon pa ay nagdeklara ng reverse isolation bilang pag-iingat sa COVID, napilitang lumabas, magtungo sa kapitolyo ng Batangas at personal na tanggapin ang parangal mula sa mga nanunungkulang opisyal ng lalawigan na pinamunuan ni Governor Mandanas, at ipaabot din ang kanyang pasasalamat sa mga mamamayan ng Batangas.

Naluha si Ate Vi habang tinatanggap ang parangal at sinabing isa iyon sa pinakamahalagang parangal na natanggap niya sa buong buhay niya.

“Ito ang pinakamalaki kong bonus at retirement pay. Kasi bale ang suweldo ko sa tuluy-tuloy na tiwala ng mga kababayan ko for 23 years. Hindi lahat ng nagsikap at naglingkod nang tapat nabigyan ng parangal, kaya ako mahal ko talaga ang mga Batangueño. At kahit hindi na ako public official, kung ano man ang magagawa ko para sa buong Batangas, gagawin ko pa rin,” ang nasabi na lang ni Ate Vi.

“Napakahalaga nito sa akin, nakasabay pa ng pista ng Birhen. Iyon ang isa mga balak ko, sa tulong na rin ng mga kaibigan natin, at siyempre ng buong lalawigan ng Batangas, iyong maibalik iyong fluvial procession sa paligid ng Taal Lake bilang parangal sa Birhen. Bukod sa mapapanatiling malinis ang lake, makakatawag iyon ng pansin ng mga turista na maaaring mag-angat ng negosyo ng turismo sa Batangas,” ang sabi pa ni Ate Vi.

Reklamo sa royalty system, luma na

Hindi na bago sa aming pan­dinig ang reklamo noong si David DiMuzio na hindi raw niya nabayaran kahit na pisong royalty kahit na libu-libu na ang nag-download sa kanyang kanta. Ang inirereklamo niya ay ang music arm ng ABS-CBN. Hindi sinagot ng ABS-CBN ang reklamo ni DiMuzio sa social media, at ang singer naman ay inalis na ang kanyang reklamo. Siguro nga nagkaroon na sila ng paliwanagan.

Marami na kaming narinig na ganyan. Noong araw iyan din ang reklamo ng Freddie Aguilar. Milyon ang naging benta ng kanyang kantang Anak. Naisalin iyon sa 139 na iba’t ibang languages, at naibenta sa buong mundo, pero wala rin siyang nakuhang royalty.

Ang royalty system dito sa ating bansa, na nagsimula lang naman noong 70s ay hindi pa talagang maayos ang pagpapatupad. Hanggang ngayon may umiiral pa ring 25 sentimos lamang ang royalty sa bawat kopyang mabili.

Eh hindi na makakabili kahit na isang mumurahing candy ang halagang iyon ngayon. Pero ganoon lamang ang karaniwang bayaran sa royalty.

Ang kita lang ng singer sa bawat kanta ay iyong guaranteed royalty, at kung maging hit, makukuha siya sa mga concerts.

Aktres, handang tanggapin ang dating karelasyon na rumaraket sa mga bading

Ang totoo raw, kuwento ng mga Marites niyang kaibigan, sumasama pa rin ang loob ng isang female star sa tuwing maririnig niya ang mga tsismis na ang dati niyang poging boyfriend ay nakikipag-date sa kung sinu-sinong mga bading basta makakaya ang “presyo” niya.

Inaamin daw ng female star na kahit na noong live in sila, hindi niya itunuring na isang boytoy lamang, o sex object ang kanyang dating boyfriend. At ang tsismis pa, willing daw ang female star na suportahan na lang ang dating boyfriend kung magbabalik iyon sa kanya. Pero teka, ‘di ba may boyfriend na itong si female personality na iba?

VILMA SANTOS

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with