Nalungkot din naman si Ate Vi (Santos) sa balitang ni-reject ng COMELEC ang party list ni Nora Aunor.
Aniya, “Kung sakali’t manalo siya, malaking bagay sana ang isang boto para sa industriya ng pelikula. Marami kaming bills na makakatulong sa industriya, pero noon hindi namin maisulong nang husto dahil kakauti kami. Marami pang artista ang nawala na sa house, at ngayon mas marami pa ang mawawala dahil kakandidato na sa ibang posisyon,” banggit ng kongresista na pahinga muna sa pulitika pagtapos ng kanyang termino sa Kongreso.
Naniniwala rin si Ate Vi na mas malaki sana ang tsansa ni Ate Guy sa Partylist.
“Kung nalaman ko lang iyan before at nagkausap kami, I could have advised her kung ano ang mas magandang gawin. Umabot ako ng 23 years sa gobyerno, every three years sumasabak ako sa eleksiyon, kaya siguro masasabing kabisado ko na iyan,” dagdag niyang sabi.
“Pero sa tingin ko rin, knowing Nora, mas mag-eenjoy siya bilang isang aktres. Mahusay siyang aktres at may mga pelikula pa rin naman siyang ginagawa. Mas malaki ang kinikita niya bilang isang aktres kaysa sa kikitain niya kung maging congresswoman siya.
“Iyan ang sinasabi ko sa lahat ng artistang gustong pumasok sa pulitika. Handa ka na ba na talikuran ang mas malaki mong kinikita? Ganoon ang sinabi ko sa anak kong si Luis. Iyon din ang sinasabi ko noon kay AiAi (delas Alas),” sabi pa ni Ate Vi.
Joaquin, nagmadaling maging bida
Opinyon lang naman namin ito, pero sa totoo lang, nanghihinayang kami sa young actor na si Joaquin Domagoso. Sa tingin kasi namin, may potential dahil may hitsura at may dating.
Mabilis ngang nagkaroon ng fans kahit na wala pa namang masasabing mabigat na assignment. At palagay namin mas may karapatan naman ang anak ni presidentiable Isko Moreno kaysa sa ibang bini-build up ng Channel 7. Pero mukhang mali ang diskarte sa career.
Lahat naman ng pumapasok na artista ay naghahangad na maging bida, pero pinag-aaralan iyan. Hindi basta sinusunggaban.
Ang tingin namin, medyo hilaw pa ang bata para gawin mong biglang bida sa isang pelikula at asahan mong siya ang magdadala noon. Ok lang sana kung bibigyan siya ng isang malakas na supporting cast, o ginamitan ng matinding promo, kaso hindi eh.
Ano ang kapalaran ng pelikula ni Joaquin laban sa isang James Bond movie? Ano ang magiging status noon na alam ng mga taong isa rin iyan sa mga pelikulang hindi napili sa MMFF?
Isa pa, ang mga petsang iyan kahit noong araw pa ay sinasabing patay na playdate, dahil ang mga tao abala sa Christmas shopping.
Aywan lang ngayon dahil mga indie rin ang kasali sa MMFF. Kung natatandaan ninyo, mas malaki pa ang kinita ng mga pelikula nina Vice Ganda at Vic Sotto na inilabas bago nag-MMFF.
Pero ang nakakatakot lang para kay Joaquin ay iyong katotohanang ang resulta ng kanyang unang pelikula bilang bida ay matatanim sa isip ng mga tao. Baka maapektuhan niyan hindi lamang ang career niya sa pelikula kundi maging sa telebisyon,
Kung pumalpak, hindi naman siguro “the end” pero mahihirapan na siyang makabawi. Balik na naman siya sa square one.