^

Pang Movies

Richard Reynoso matagal na-ICU sa COVID infection kahit ginawa ang lahat ng pag-iingat

ISYU AT BANAT - Ed de Leon - Pang-masa
Richard Reynoso matagal na-ICU sa COVID infection kahit ginawa ang lahat ng pag-iingat

Isang magandang kuwento ang narinig namin mula sa singer na si Richard Reynoso. Sa tunay na buhay, masyadong health conscious si Richard pero nagkaroon pa rin ng COVID-19. Bago nahawa ng virus, lagi siyang naka-face mask. Isa rin siya sa kauna-unahan naming nakitang naka-suot ng face shield, wala pa rito  ang mga face shield na gawang China. Nang magkaroon ng bakuna laban sa COVID, isa si Richard sa unang nagpabakuna, at tuwang-tuwa siya dahil ang naisaksak sa kanya at sa kanyang pamilya ay isang kinikilalang brand ng bakuna.

Naglagay din siya ng air purifier sa bahay nila, linggu-linggo ay nagfu-fumigate sila, bukod pa sa UV sterilizers.

Pero sa kabila noon, si Richard ay tinamaan ng severe COVID infection, nagtagal sa ICU, halos isang buwan sa ospital, at gumastos nang mahigit isa’t kalahating milyong piso.

Aminado siya na may savings naman sila, pero hindi sapat sa ganoon kalaking gastos. Pero may mga kaibigan naman daw siyang tumulong na sinasabi nga niyang “God sent.” 

Nang matapos ang lahat, nabuo sa isip niya ang isang bagay. Gawin mo man ang lahat ng makakaya mo, basta tinamaan ka ng COVID, bagsak ka. Ang tanging makakatulong lang sa iyo ay ang Diyos, na siyang nagpapagaling ng lahat ng karamdaman, may gamot man o wala.

Ayaw na sa mga Indie Film

Handa naman daw ang MTRCB na makipag-dialogue sa mga director na kasapi ng DGPI (Directors Guild of the Philippines Inc.), na tutol na padaanin pa sa MTRCB ang mga pelikula nilang ipinalalabas sa streaming sites.

Hindi na bago ‘yan dahil noon pa man ay may mungkahi na si Senador Sherwin Gatchalian, na kailangang padaanin din sa MTRCB ang mga pelikula at iba pang palabas sa internet streaming.

Sa ngayon kasi, karamihan sa mga pelikula ay sa internet na lang ipinalalabas, maraming theater owners lalo na sa mga mall ay nagbawas na ng sinehan, dahil na rin sa katotohanan na ang mga low budget movies na iyan ay hindi naman pinanonood ng mga tao at ikinalulugi lang ng mga sinehan bago pa nagsimula ang pandemya.

Na karamihan naman sa mga pelikulang inilalabas sa internet ay tumatalakay sa gay sex, at nagpapakita ng mga hubad na lalaki. Kung dadaan iyan sa MTRCB, tiyak na hindi nila papayagan ang pagbubuyangyang ng mga private part, at kung ipipilit iyon, bibigyan nila iyan ng X rating, na ibig sabihin hindi pinapayagan ang public exhibition. Pero para naman sa ilang director, iyon lang ang dahilan kaya kumikita pa ang pelikula nila. Kung hihigpitan iyon, paano pa sila.

Nakakalungkot nga kasing isipin na ang mga mas sikat at matitinong artista, mas gusto pang gumawa ng serye sa telebisyon kung saan sila mas nababayaran nang tama, kaysa sa mga low budget movie na ang bayad sa kanila ay barya lamang.

Ang hubaran ang ginagamit ding “come on” sa mga publisidad ng mga pelikulang iyan na karaniwan ay lumalabas lamang naman sa social media. Hindi rin naman kasi papayagan ng mga lehitimo at disenteng media na maglabas ng mga larawang hubad at nakalabas pa ang ari na tanggap na tanggap sa social media.

Pero ipinaaalala ng MTRCB, na bagama’t sila ay naniniwala sa freedom of expression, kailangang tanggapin na ang anumang kalayaan ay may karugtong na responsibilidad.

Ano nga ba ang mahalaga, ang payagan ang mga mahahalay na panoorin para kumita at mabuhay kahit na papaano ang industriya ng pelikula, o ang kapakanan ng mga kabataan na mas higit na responsibilidad ng gobyerno at ng lipunan?

Ibang sinehan ginawa nang tindahan ng tinapay

Talagang nalungkot kami nang madaanan namin ang mga malalaking sinehan dati sa isang mall. Lahat sarado at sumasailalim sa renovation. Akala namin mas pinagaganda lang ang sinehan, pero ngayon ang isa mga iyon ay isa nang bakery at tindahan ng mga tinapay. Iyong isa, tindahan na ng rubber shoes, at iyong mga ginagawa pa, may nakalagay nang announcement ng mga magbubukas pang ibang tindahan.

Nakakalungkot, ang mga sinehan noon sa Maynila, ginawa nang tianggean ng mga sidewalk vendor.

Ngayon ang sinehan sa mga mall ay nawawala na rin. Nalungkot kami sa nakita naming paniniwala nila na mas kikita pa ang puwesto kung magtitinda na lang sila ng monay at pan de sal, kaysa sa magpalabas ng pelikula.

COVID-19

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with