MANILA, Philippines — Inulan ng mensahe ng paghanga at pasasalamat mula sa netizens ang mga kwento ng Pilipino sa Andito Tayo Para sa Isa’t Isa: Ang Christmas ID ng Pilipino ng ABS-CBN na inilunsad noong Biyernes (Nobyembre 12).
Wala pang isang linggo nang inilunsad ang Christmas ID pero pumalo agad sa 1.3 milyon ang views ng music video sa YouTube, habang nakapagtala na ng 1.9 milyong views ito sa Facebook page ng ABS-CBN Entertainment. Nakakuha naman ng 3.4 milyong views ang lyric video sa YouTube at 7.6 milyon naman ang views ng lyric video sa Facebook.
Kasama ang ilang Kapamilya stars, nagningning ang kwento ng mga pamilya, kabataan, guro, medical frontliners, OFWs, community heroes, drivers, economic frontliners, at safety and security personnel sa music video.
Anila, nakakataba ng puso ang bagong Christmas ID ng Pilipino na bahagi na ng tradisyon ng mga Pilipino tuwing Kapaskuhan.
Dahil tuwing Kapaskuhan tila naging tradisyon na ng mga Pilipino na gumawa ng kanilang bersyon ng Christmas CID, ngayong taon, inaanyayahan ang lahat na sumali sa gagawing #ChristmasIDChallenge sa social media.
Kailangan lang gamitin ang instrumental version ng awitin sa Facebook, Twitter, TikTok, YouTube Shorts, at Kumu Klips at ipakita ang sarili na kinakanta ang Andito Tayo Para sa Isa’t Isa: Ang Christmas ID ng Pilipino. Matapos mag-record ng video, ilagay sa caption kung kanino ito inihahandog at i-post sa social media gamit ang #ChristmasIDChallenge. Maaaring maisama ang mga video na ito sa hinahandang espesyal na bersyon ng Christmas ID na ipalalabas sa Disyembre.
Samantala, maaari nang bumili ng limited edition Andito Tayo Para Sa Isa’t Isa Christmas shirts at face masks para sa pamilya at pang-regalo ngayong Pasko. Pumunta lang sa authorized partners na Shirts and Prints PH sa Facebook at E-commerce stores para sa Andito shirts, at InstaMug naman sa Facebook at Instagram para sa Andito Masks.