Natatawang sinabi ni Karla Estrada nai-stress ang anak niyang si Daniel Padilla dahil sa pagpasok sa pulitika ng mga magulang nito.
Si Karla ay tumatakbong 3rd nominee sa Tingog Party List habang si Rommel Padilla naman ay tumatakbo ring Congressman ng 1st district ng Nueva Ecija ngayong 2022 elections.
“Na-stress ‘yung anak ko,” natatawang pag-amin ni Karla sa kanyang panayam sa vlog ni Ogie Diaz. “Na-stress siya, ‘di niya kinaya.”
Paliwanag ni Karla, “hindi kasi, ‘di ba, parang si Daniel, hangga’t maaari, umiiwas sa usaping pulitika. Tapos biglang hindi man lang kapatid, talagang parehong magulang niya ang kinailangan at binigyan ng pagkakataon.”
Although talagang nasa ugat naman talaga raw ng mga Padilla ang pulitika noon pa.
When asked kung kinausap ba sila ni Daniel tungkol dito, ayon kay Karla, kahit hindi masalita ang kanyang anak, alam naman daw niyang 100% ang support nito sa magulang.
“Pero mabait kasi si DJ. Sa huli’t huli, iisa lang ang nanay niya, iisa lang ang tatay niya. Eh saan pa ba ang suporta? Eh di sa amin.
“Pero kung ako ang masusunod, okay naman ako na kahit hindi siya sa shadow ko dito sa pulitika or kahit wala siya sa tabi ko sa pulitikang ito. Kasi talagang paniwala naman ako na maniwala lang sa akin ‘yung mga tao na marunong akong tumulong, okay na ako du’n.
“Ngayon,‘pag nag-decide si DJ na ‘O ma, samahan kita diyan sa Tingog,’ desisyon niya ’yun bilang anak,” ani Karla.
Tinanong din ni Ogie ang nanay ni Daniel kung bakit nito naisipang sumama sa party-list na ang Congresswoman nito ay bumoto against the renewal of ABS-CBN franchise. Matatandaan nga kasing katakut-takot na pangba-bash ang inabot ni Karla mula sa mga KathNiel fans at sa mga ABS-CBN loyalist dahil dito.
“Well, unang-una sa lahat, mayroon akong pagpapaalam sa aking mga boss sa ABS-CBN. Mayroong pag-uusap at ako’y nagpaliwanag. Ngayon, pinayagan ako at sinuportahan. So, du’n na lang muna tayo mag-umpisa.
“At kung umabot ako sa dulo at ako’y makaupo, sisiguraduhin kong maging bukas ang Tingog Party-list sa usapin ng prangkisa ulit ng ABS-CBN at ako ang mag-uumpisa nu’n,” paliwanag ni Karla.