Atom Araullo, may food trip

Atom Araullo.

MANILA, Philippines — Walang duda, mahilig kumain ang mga Pinoy. At sa rami ng mga food business na lalong sumikat kahit nasa gitna tayo ng pandemya, walang duda na ‘food is essential.’

Kaya naman samahan ngayong Linggo (Nov. 14) si Atom Araullo sa ilan sa mga itinuturing na food capital ng bansa.

Una sa listahan ang Maynila kung saan may isang kalye na dinudumog ng tao dahil sa food crawl dito: ang Ugbo St. sa Tondo. Mahahanap dito ang samu’t saring street food tulad ng takoyaki at maging ang old time favorites na halo-halo at puto bumbong na swak pang-Christmas season.

Sunod na sinadya ni Atom ang Pampanga, ang culinary capital ng bansa. Dito makikilala niya ang mahigit isang daang taong gulang na Aeta na si Apo Jungle para ibahagi kung paano nila nalagpasan ang mga pagsubok sa tulong ng pagkain. 

Hindi rin kumpleto ang pagbisita ni Atom sa Pampanga kung hindi niya matitikman ang classic tsokolate batirol at ang special sisig ni Aling Lucing.

Mula sa Pampanga, pupunta naman si Atom sa Norte, sa Summer Capital ng ‘Pinas para malaman kung paano binabago ang mga sinaunang putahe tulad ng pinikpikan para umakma sa panahon natin ngayon. Papasok rin siya sa isang gawaan ng lengua de gato at bibisita sa sikat na Vizco’s cake shop kung saan ang pasalubong at strawberries ay naging bahagi na ng pagkakakilanlan ng Baguio.

Last stop ang Roxas City sa probinsya ng Capiz, o tinaguriang Seafood Capital ng bansa. Dito madidiskubre ni Atom ang yaman ng karagatan at mga ilog ng Capiz. Mula sa sariwang lapu-lapu, scallops, at ang diwal o angel wings clam na sa iilang probinsya lang matatagpuan. Sasabak din si Atom sa gitna ng putikan para manghuli ng puyoy o eel, isa sa mga pinakasikat na street food sa lugar.

Hanggang saan ka dadayo para sa masarap na pagkain? Samahan si Atom Araullo sa kaniyang food trip ngayong Linggo sa The Atom Araullo Specials: Tara, Food Trip!, 2 p.m., sa GMA Network.

Show comments