Ang sikreto ni Vilma Santos kaya nananatili siya sa itaas ay simple lang, “she knows when to stop,” sabi ng isang film industry veteran. “Malakas ang foresight ni Ate Vi. Noong kasagsagan ng kanyang TV show, na ang ratings niya ay super-super supreme, at bago makapasok sa show niya ang isang commercial ang kailangang bayaran ay pito at iyong anim ay floating at nailalagay sa ibang shows na hindi maibenta, tumigil siya, kaya sa ngayon, masasabing siya ay isang legend ng television industry.”
Ang sinabi niya noon, gusto niyang magkaroon uli ng anak at sinabihan siya ng kanyang doctor na kailangan niya ng pahinga, hindi puwedeng nagsasayaw siya nang ganun sa show, at iyon ang dahilan kung bakit tinalikuran niya ang show. Hindi rin namin alam kung naisip nga noon ni Ate Vi na naabot na niya ang lahat sa telebisyon at kung aalis na siya noon, siya ay magiging isang living legend.
Iyan ang pagkakamali ng nagpipilit kahit na bumaba na ang kanilang popularidad, hinintay pa kasi nilang bumagsak sila.
Ganoon din naman sa pulitika. Noong una siyang kumandidato bilang mayor ng Lipa, higanteng political clan ang nakalaban niya, pero tinalo niya at walang nakatalo sa kanya ng tatlong termino. Nang kumandidato siyang gobernador ng Batangas, higante rin ang kalaban niya, pero nagwagi pa rin siya.
Sinasabi pa nga ng mga tao na mahihirapan siya dahil kahit na kailan hindi pa nagkaroon ng gobernador na babae ang Batangas, pero nanalo siya at nanatiling gobernador ng siyam na taon.
Noong tumakbo siyang congresswoman, may kalaban naman pero halos unopposed siya sa eleksiyon. Ngayon una siyang inalok na maging vice president, may survey na pa nga na nagsasabing dapat presidente siya. Tapos sinasabing hindi, dahil tatakbo siyang senador kapalit ni Senator Ralph, iisipin ba ninyong maiisipan ni Ate Vi na magpahinga na muna sa pulitika sa panahong ganito?
Sinasabi naman ni Ate Vi na tuloy pa rin ang kanyang serbisyo publiko, kahit na siya ay isang private citizen na, at kung iisipin nagawa niya ang akala nilang noon ay imposible.
After 23 years in politics, itinuturing na rin siyang isang political legend, at hindi rin maisip ng marami kung papaano nga ba niya nagawa iyon. Tapos bigla siyang umayaw. Kasi nga “she knows when to stop.”
LJ, gustong tulungan ni Paulo Avelino
Inamin ni LJ Reyes na nagkausap na sila ni Paulo Avelino, at sinabi noon sa kanya na kung ano man ang kanyang maitutulong sa kasalukuyang sitwasyon niya ay magsabi lamang siya, lalo na kung may kinalaman sa kanilang anak na si Aki. Inamin din naman niyang ni walang pagtatangka ang kanyang hiniwalayang si Paolo Contis na tawagan siya o kumustahin man lang ang anak nilang si Summer.
Inamin naman niyang hindi pa niya napapatawad si Paolo sa mga atraso sa kanya, pero sinabi niyang araw-araw ay ipinagdadasal niya sa Diyos na sana mapatawad na rin niya iyon para tuluyan na siyang makapagsimula ng panibagong buhay. Inamin ni LJ na hirap din siya sa kanyang sitwasyon sa US, lalo’t responsibilidad nga niya ang dalawa niyang anak, pero suportado naman daw sila ng mommy niya at ng ate niya, kaya sila nakaka-survive.
Gusto rin niyang maghanap ng trabaho roon, na ang ibig sabihin wala siyang balak na umuwi agad sa Pilipinas.
Sinasabi rin niyang ang nagbibigay sa kanya ng lakas ng loob ay ang moral support na nakukuha niya sa napakaraming mga tao na lahat ay nagsasabing sila ay nasa likod lamang niya ano man ang mangyari.
Kaya nga kung iisipin, dapat nga siguro asikasuhin na lang ni LJ ang pamumuhay nila sa US, kung saan niya maiiiwas ang kanyang mga anak sa intriga, magkaroon ng mas mabuting edukasyon, at siguro nga ay malamang na makakita ng mas magandang kinabukasan.