Ate Vi, hindi pa final ang sagot?!
Ilang araw na lang ang natitira at kailangang mag-file na sila ng certificate of candidacy pero wala pa ring official statement si Congresswoman Vilma Santos kung kakandidato siyang senador kapalit ng kanyang asawang si Senador Ralph Recto na magtatapos na ang termino.
Pinahihintulutan lang sila ng batas sa dalawang magkasunod na term sa senado, na ang bawat term ay anim na taon.
Pero sa kabila ng pamimilit nila, walang sinasabi si Ate Vi. Nananatiling bukas ang kanyang options kung tatakbo nga ba siyang senador, tatakbo sa isang posisyong local o titigil na muna sa pulitika at babalikan ang pagiging isang aktres.
Kung ang fans ang tatanungin, mas gusto nilang bumalik sa showbiz si Ate Vi. Ang daming naghihintay na pelikula sa kanya, at may TV show pa.
Kung napansin din naman ninyo, wala pang partido ang isinasama ang pangalan ni Ate Vi sa senatorial lineup bagama’t sinasabing makakasama ito sa binubuo ni Mayor Isko Moreno na suportado nga raw ni Congw. Vilma.
Mapapansin din siguro ninyo ang mga partido ay walang kumpletong lineup para sa senador. Naglagay lamang sila ng walong pangalan sa halip na 12. Tandang may hinihintay pa silang desisyon, at kabilang na doon si Ate Vi. Si Mayor Isko na tatakbo ring presidente, walang inilabas na senatorial lineup, at sinasabing umaasa rin siya sa suporta ni Ate Vi.
Ang isang nakakapigil kay Ate Vi ay ang katotohanan na kung tatakbo siyang senador, natural aasahan ng mga tao na iikot siya sa buong Pilipinas, na sinasabi niyang baka hindi niya magawa dahil sa sitwasyon ngayon ng COVID-19. Pero maliwanag naman ang binitiwan niyang salita na nakasuporta siya kay Mayor Isko. Kaya hindi na tayo dapat magtaka dahil sa isang interview sa TV5, maging si Senador Ralph ay nagsabing nag-usap na sila ni Yorme, sinabi na sa kanya ang kumpletong plataporma noon, at naniniwala siyang may sapat na kakayahan si Yorme para maging presidente ng Pilipinas. Nakasuporta rin si Senador Ralph kay Mayor Isko, maliwanag na ang stand nila ay sa oposisyon.
Si Yorme, wala pang eleksiyon, nakasuporta rin naman talaga kay Ate Vi. Idneklara ng City Council ng Maynila at pinirmahan ni Yorme ang isang deklarasyon na si Ate Vi ay isang “artista ng lungsod,” dahil siya ay ipinanganak sa Maynila, nanirahan sa Maynila at isang inspirasyon sa mga batang Maynila. Kasabay noon ang pag-eendorso nila kay Ate Vi upang kilalanin nang isang national artist.
ABS-CBN, binigyan ng pag-asa ni Yorme
Mukhang nagkaroon ng pag-asa ang ABS-CBN, nang sabihin ni Yorme na kung mananalo siyang presidente, hindi niya haharangin ang franchise ng ABS-CBN o ng anumang negosyong legal.
Kasi karapatan naman talaga ng kongreso ang pagbibigay ng franchise, pero kung minsan sumusunod lang din ang congressmen kung ayaw ng executive dahil kung hindi sila susunod, baka walang makuhang biyaya ang kanilang mga distrito.
Palagay naman namin hindi lang si Yorme, lahat naman sila ay papayagang makapagbukas na muli ang ABS-CBN. Si Presidente Digong lang naman ang galit sa kanila at naipasara nga dahil sa sinasabing hindi nito pag-eere ng political ads niya noon.
- Latest