Mark, kinupkop ng Kapuso

Mark

Mabuti naman at hindi pinabayaan ng GMA 7 si Mark Herras.

Pinapirma siya ulit ng kontrata ng network na ang ibig sabihin may mga proyekto pa silang ipagagawa sa kanya. Malaki rin naman ang naging puhunan ng network para pasikatin si Mark, simula noong panahon niya sa StarStruck.

Hindi rin naman maikakaila na sumikat din si Mark at nakapag-akyat din ng pera sa network.

Negosyo iyan eh, at mutual benefit naman at dapat lahat kumikita, hindi lang ang artista. Kasi kung inaakala ng network na wala ka nang silbi at hindi ka na pagkakakitaan, bakit ka pa ba pamimirmahin ng kontrata?

Ang daming mga artista ngayon na floating at wala nang kontrata kahit kanino. Marami ang napipilitang mag-produce na lang para manatili pa kahit papaano ang kanilang career. Marami na rin ang gumagawa ng mga gimmick sa internet dahil wala na ngang mapagkakitaan, dahil hindi na nga makasingit sa telebisyon lalo na nga at off the air pa rin ang ABS-CBN at nakadepende pa sa political situation sa pagbubukas sa magiging resulta ng election sa 2022.

Si Mark, aminado naman na medyo napabayaan niya ang kanyang career at nagdaan siya sa mahigpit na pangangailangan.

Siguro iyan nga ang magandang motivation para mas magsikap siya sa kanyang career. Mabuti naman at naisip ng GMA na bigyan siya ng panibagong chance.

Kung susugal ka rin lang sa isang artista, iyong may mababawi ka na sa puhunan mo eh sa tipo naman ni Mark, parang makakabawi naman sila.

Paolo, malabo pang makakuha ng simpatiya

Hindi na raw muna magsasalita si Paolo Contis tungkol sa naging hiwalayan nila ni LJ Reyes.

Tama lang naman dahil kung magsasalita pa siya at magkamali, lalo lang siyang madidiin.

Nakuha na kasi ni LJ ang simpatiya ng karamihan, lalo na nang magdesisyon siyang ilayo na lang pati ang kanyang mga anak dahil sa nangyari sa relasyon nila ng aktor.

Mas matinding simpatiya pa ang nakuha ni LJ dahil pagdating nila sa New York, sabay palo naman ng hurricane Ida na sinasabi ngang isa sa pinakamalakas na bagyo at unang nagpabaha sa Northeastern region kabilang na ang New York.

Talagang kawawa ang sitwasyon nila LJ. Isipin ninyo kadarating lamang niya sa New York, kasama niya ang dalawa niyang anak na ang bunso alagain pa, tapos nasabak sila sa malalaking baha at hagupit pa ng tornado na sumabay sa hurricane.

Buti na lang at kasama niya doon ang kanyang ina at kapatid.

Sa ganyang sitwasyon, ano man siguro ang ikatuwiran ni Paolo, at gaano man kagaling ang kanyang pagsasalita, mahihirapan siyang makuha ang simpatiya ng publiko. Talagang ang dapat ay manahimik na lang muna siya, hanggang sa lumamig ang issue at magawa nang paniwalaan ng mga tao kung ano man ang sasabihin niyang dahilan.

Aktor na pinagsawaan noon ng writer, may great love na

Nang mabasa ng isang movie writer ang sinabi ng isang aktres na ang isang actor na naging syota niya noon ay masasabi nga niyang “great love” niya talaga, nagtawa lang ang movie writer.

Kasi bago sila naging mag-great love, ang actor ay naging “great love” rin ng movie writer lalo na noong panahong panay pa ang katok noon sa kanyang bahay.

Ang senyas daw kung ok siya, at may datung siya, iniiwan niyang bukas ang ilaw sa kanyang pintuan, at kung makikita iyon tiyak na kakatok sa bahay niya ang lalaki noong bago pa iyon maging actor.

Pero siyempre noong maging actor na, nagkakangitian na lang sila at hindi na pinag-uusapan ang nakaraan.

Aywan kung natatandaan ng actor na nag-selfie pa sila ng movie writer, nakasuot lang siya ng basketball shorts at walang t-shirt at nakayakap pa sa movie writer na kanyang kinakatok.

Show comments