Mga artista, saksi sa mga ginagawa ng Red Cross
Matagal din ang aming karanasan sa Red Cross. Noong araw, wala pa ang mga disaster relief centers ng gobyerno, ang tinatawagan namin dahil kami’y nasa radyo pa noon, ay ang Red Cross. Wala pang cellphones noon pero anong oras mo man tawagan ang Red Cross, naroroon ang Secretary General nila noong si Loreto Paras Sulit, at nakahanda siyang ibigay ang lahat ng detalyeng kailangan mo, at kung ano na ang nagawa ng Red Cross.
Natatandaan din namin ang kuwento ng aktres na si Rosa Rosal, na nagsabing “hindi ko akalain nakabaon na pala ako sa utang dahil sa kakukuha ko ng gamot na kailangan ng aming mga ini-rescue.” Lahat kasi ng gamot ay ipinakukuha niya sa isang malaking drugstore, wala mang dalang pera, inililista sa kanyang pangalan.
Noong panahon ng Yolanda, kami mismo ang nakakita sa aktres na si Angel Locsin, nakasalampak nang upo sa lapag, doon sa operation center ng Red Cross, at nagbabalot ng relief goods para maipamahagi sa mga kailangang i-rescue at bigyan ng relief. Kung hindi nga lang naagaw ng pulitika, may panahong sinasabi ni Ate Vi (Vilma Santos), “pagdating ng araw sasali na lang ako sa Red Cross.” Na sinagot naman noon ni Rosa Rosal na “sige nga para may makapalit na sa akin.”
Noong araw din ay nagkaroon pa ng project ang Red Cross at National Press Club para magbigay ng tulong medical sa mga nangangailangan. Nakakarating kami hanggang sa lugar ng mga ita sa Zambales para maipaabot ang tulong. Noon basta rin nagkakaroon ng malalaking baha, nagko-cover kami ng balita, sumasama kami sa Red Cross volunteers na sakay ng isang amphibian na hinihiram noon sa isang gawaan ng patis sa Malabon.
Ganyan namin kakabisado ang Red Cross, at sa totoo lang marami pang mga artista at ibang media celebrities na tumutulong sa samahan. Lahat diyan volunteers, liban sa staff, lahat ay walang suweldo, gumagastos pa. Kasi kung nagkakataong may kailangang gamot, o kinulang sa bigas, ambag-ambag pa ang volunteers para bumili.
Walang isang taong humahawak ng pera ng Red Cross. Ang local fund raising napupunta iyon sa local chapter at bahala ang chapter chairman na panagutan iyon. Iyon namang galing sa international Red Cross at Red Crescent Societies, hindi naman pera iyon kundi mga gamit, gamot at kung ano pa ang ibang kailangan.
Ang Red Cross ay hindi bahagi ng gobyerno, kundi matatawag na kaagapay sa serbisyo. Halimbawa itong pandemya, sila ang nagsagawa ng marami at mas mabilis na testing. Natural maniningil din sila sa gobyerno dahil kung hindi saan naman sila kukuha ng mga gagamitin nila? Iyong mga artista rin namang tumutulong sa Red Cross, ni hindi iyan nagpapa-picture diyan. Talagang ang Red Cross tulong lang.
So baka kailangang ipa-audit?
Comedian-TV host, kinakampanya na ang gustong maging presidente
Isang comedian-TV host daw ang napakasipag na magpadala ng text message sa kanyang mga kaibigan na nagpapaalalang magparehistro sila para makaboto sa susunod na taon, para sa kanyang ikinakampanya na maging presidente kahit na ang pulitiko mismo ay wala pang announcement kung tatakbo nga ba siya.
Sinasabi raw ng komedyante sa kanyang mga kasamahan na “siya na lang kasi ang pag-asa natin.” Hindi raw kasi sila nakasisiguro na kung iba ang mananalo ay mabubuksan na rin ang network nila.
- Latest