Mabuti at hindi pa nasisimulan ang lock-in taping ng Love. Die. Repeat dahil kinailangang palitan ang isa sa mga aktres na kasama sa cast. Nagkasakit daw ng aktres na hindi pinangalanan na nalamang nag-positive sa COVID-19. Huwag na nating alamin kung sino ang aktres na ito, ipagdasal na lang natin na gumaling na siya agad para makapagtrabaho na.
Si Myrtle Sarrosa ang papalit sa nagkasakit na aktres at tama naman dahil wala na ang karakter niya sa Afternoon Prime ng GMA 7 na Nagbabagang Luha. Hindi namin alam kung kilala ni Myrtle ang kapwa Kapuso aktres na kanyang papalitan sa Love. Die. Repeat, hindi naman siguro masama kung magpasalamat siya dahil agad nasundan ng bagong project ang Nagbabagang Luha.
Hindi pa na-announce ang cast ng Love. Die. Repeat at sina Jennylyn Mercado at Xian Lim pa lang ang laging nababanggit.
Duet ng Kimxi, nagdala ng GV
Pinost ni Kim Chiu sa kanyang IG story ang inilabas ng GMA Network na “Welcome to the Kapuso Family Xian Lim!” at ang comment na “Congratulations Xi! Always here to support you” at “Until our next project together again my love.”
Hindi mahihirapang magsama uli sa isang project sina Xian at Kim dahil per project lang ang kontrata ni Xian sa GMA at ang Viva Artists Agency pa rin ang management company ng aktor. Kung may offer ang ABS-CBN na project kina Xian at Kim, hindi naman siguro tatanggihan ng VAA.
Sa isang interview kay Xian, excited ito na simulan na ang project nila ni Jennylyn Mercado at sabi nito, first time sa teleserye ang ganitong story. Excited na rin siya to work with Jennylyn na napanood lang niya sa movie nila ni John Lloyd Cruz at nakita pa lang niya sa virtual storycon nila.
Samantala, naaliw kami sa video ng duet nina Xian at Kim ng song na Shallow mula sa pelikulang A Star is Born. Si Xian ang nagpe-play ng piano at siya ang unang kumanta. Maririnig ang tanong ni Kim kung papasok na siya at kumanta na ito.
Nasira lang ang kanta dahil sa kalagitnaan, sumisigaw na si Kim at solid ang tawa ni Xian, pero si Kim tuluy-tuloy ang kanta na may kasamang tawa. Good vibes ang dala ng duet na ‘yun, kaya marami ang nag-request ng more duet sa KimXi couple.
Katrabaho ni Andrea, napuri ang kanyang ugali
Mas maaga nang mapapanood ang Legal Wives simula ngayong Lunes dahil 8 p.m., na ang airing at hanggang matapos na ang family drama ng GMA 7, ito na ang timeslot. Saka, simula ngayong Lunes, mapapanood na rin ito sa GTV at Heart of Asia channels ng 8pm. din.
Samantala, pinuri ni Suzette Doctolero, head writer at concept creator ng Legal Wives si Andrea. Naging fan daw siya ng aktres dahil hindi lang magaling na artista, napakabuting babae rin.
Nakasama ni Suzette si Andrea sa lock-in taping at sa ilang beses nilang pag-uusap, nakilala niya ang aktres. Palabati raw ito, cast man, staff at crew, pili ang salita pero may laman. Dumarating daw ito sa set na memorized na ang lines niya.