Hoy, Love You nina Joross at Roxanne, nadugtungan
MANILA, Philippines — Nadugtungan ang kabanata ng pag-iibigan ng mga karakter nina Joross Gamboa at Roxanne Guinoo-Yap na sina Jules at Marge sa inaabangang season 2 ng Hoy, Love You ng ABS-CBN.
Sa ginawang celebrity screening kamakailan inanunsyo ang magandang balita sa mga tagasubaybay ng serye, na ikinatuwa rin ng cast at ng direktor nito na si Theodore Boborol.
“Sobrang blessed kami na tinangkilik kami ng mga tao sa iWantTFC. Bilang lang yung mga show na may season 2. So yung nagawa namin ang season 1, gusto lang namin magpasaya ng mga tao, especially ngayong pandemic and we are thankful and grateful na ginagamit din kaming blessing para magpasaya pa ng mga tao,” ani Direk.
Labis din ang pasasalamat ng bida ng serye na sina Joross at Roxanne dahil sa matagumpay nilang reunion project na kinunan pa rin sa Submarine Garden Beach Resort sa Lobo, Batangas.
“Maraming maraming salamat sa lahat ng mga sumuporta sa amin. Kung hindi niyo talaga sinuportahan kami, hindi kami mapupunta sa platform na ‘to. Ngayon sana, suportahan niyo ulit kami sa season 2 para magkita kita tayo ulit,” ani Joross.
Sumang-ayon naman ang leading lady niyang si Roxanne. Aniya, “Nasabi na nila ang lahat. From Tita Linggit to Direk, to the staff, to my co-actors, and sa inyong lahat, maraming, maraming salamat.”
- Latest