Ate Vi, susunod sa payo ng kakampi!
Nawalan na naman nang kibo ang mga adelantado sa pagbabalita, at may nagtayo pa ng isang foundation at movement mismo para sa kandidatura ni Congresswoman Vilma Santos bilang senador.
May nasabi kasi si Senador Ralph Recto na posibleng magpalit sila ni Ate Vi ng puwesto sa eleksyon. Tapos na kasi ang term niya bilang senador at para maituloy ang kanyang legislative agenda, maaaring siya ang tumakbong congressman ng Lipa, at si Ate Vi nga ang tatakbong senador.
Pero wala pa diumanong kasiguruhan iyan.
Marami pa raw kailangang isipin.
Isa pa, hindi lang iyong posibilidad ng panalo ang pag-uusapan diyan kundi kakayanin ba niya ang trabahong iyon. Oo nga at tiyak na nakaalalay pa rin naman sa kanya si Senator Ralph, pero siyempre siya pa rin ang may responsibilidad sa trabaho.
Gusto raw muna niyang makita at mapag-aralan kung makakaya pa ba niya ang ganoong trabaho.
Kung hindi, ang isa pang option niya ay mag-retire na lamang sa pulitika, at harapin namang muli ang kanyang pagiging isang aktres.
Napakarami kasing options na nakabukas para kay Ate Vi. Sa ngayon dalawang partido na nga ang nanliligaw sa kanya na tumakbo sa ilalim ng kanilang ticket. Alam kasi nila na kung nasa partido nila si Ate Vi, hindi mangyayari na mawa-wipe out sila kahit na ano pang magic ang mangyari.
Sabi nga ng isang political analyst, ‘di kayang dayain si Ate Vi dahil bukod sa napakalawak ng kanyang fan base, napatunayan niya ang husay sa pulitika.
Pero para kay Ate Vi, masusunod pa rin ang isa niyang malakas na kakampi. “Bahala na ang Diyos. Siya na ang gagawa ng desisyon diyan,” sabi ni Ate Vi.
nanigurado muna...
Tuwiran nang inamin ni Bea Alonzo ang relasyon nila ni Dominic Roque. Inamin naman niyang hindi siya kumibo hanggang hindi siya siguradong-sigurado. Matapos ang isang buwang bakasyon nila sa US, at saka siguro niya na-realize na “ito na nga.”
Tama nga siguro siya. Nagsisimula siya ng panibagong landas sa kanyang career. Nagsisimula na rin siya ng mas bagong lovelife.
Female star, hindi pa rin tanggap na laos na talaga
Marami ang naawa sa isang female star. Hanggang ngayon ay hindi pa rin niya matanggap na talagang wala nang ibubuga ang kanyang career. Ipinipilit pa rin niyang ang kanyang popularidad ay kagaya pa rin nang dati. “Th na th, ang pagpipilit niya,” sabi ng isang kritiko. “Nakakaawa na tuloy siya.”
Karaniwan naman ang ganyan sa stars, sila ang huling nakakatanggap na wala na ang kanilang popularidad. Kasi nga napakahirap sa kanilang tanggapin na naglaho na ang kanilang popularidad.
Sana naman matanggap na niya ang katotohanan.
- Latest