Palagay namin, may punto ang isang narinig naming obserbasyon. Mahigit nang isang taong nakasara ang ABS-CBN. Marami ang nawalan ng trabaho. May mga artistang gutom na rin. Ang akusasyon, marami silang utang na ayaw bayaran. Dinaya raw nila ang pagbabayad ng taxes sa gobyerno. Nag-broadcast sila nang illegal gamit ang transmitter at frequency ng ibang network, at naningil sila sa TV Plus na hindi pinapayagan ng NTC.
Pero bakit nga ba isang taon nang mahigit, at sinabi na naman ng presidente ang diumano ay pandaraya sa tax ng ABS-CBN, pero hanggang ngayon hindi sila sinampahan ng kaso.
Kasi iyong snatcher basta nahuli kulong agad maliban kung makapagpiyansa, kulong iyan habang dinidinig ng korte ang kaso.
Sa kaso ng ABS-CBN, hindi lang milyon kundi bilyon ang sinasabi nilang atraso sa gobyerno, bakit walang kaso? Si dating Presidente Marcos, sinampahan ng kaso hanggang sa New York eh, bakit ang ABS-CBN kung talaga namang may hawak silang ebidensiya at sigurado sila, bakit hindi sampahan ng kaso kahit sa korte sa Tawi-tawi?
Hayaan nilang ang korte ang magsabi na illegal nga ang ginawa ng ABS-CBN.
Sabi nga ni Kim Atienza, “marami na po kaming mga kaibigan na walang trabaho. Wala na po kaming audience. Sana tigilan na po ninyo kami Sir.”
Mel at Orestes, magkasunod ang pagpanaw!
Sunud-sunod na naman ang kamatayan sa industriya ng pelikula bagama’t walang kaugnayan sa COVID-19.
Pinag-uusapan pa hanggang ngayon si Orestes Ojeda na nakatakdang ilibing sa Linggo. Iyon pala, huli na nang malaman namin, nauna pang namatay noong Linggo ng gabi ang beteranong actor na si Mel Francisco.
Si Mel, na Adolfo Padilla Scheener sa tunay na buhay ay ama diumano ng action star na si John Regala.
Mahahalay na video sa internet, ‘di mapigilan
Patuloy ang pagkalat at paglaganap ng mga malalaswang video sa internet. May mga naipa-block nang pornographic websites, pero ang porno na ang iba ay mga artista pa, at kumakalat sa pamamagitan ng social media at lalong lumalaganap sa pamamagitan ng video calls, Zoom at iba pang platforms. Pinagkakakitaan iyan ng ibang mga tao. May tao pang sila mismo ang nagbebenta ng sarili nilang sex videos, at iyong iba sumasabak na rin sa prostitusyon. Lahat nagsasabing ginagawa nila iyan dahil wala silang makuhang trabaho dahil nga raw sa lockdown.
Wala ba talagang magagawa para matulungan ang mga taong iyan at mapigil na rin ang mga kahalayan?