Willie, nagdesisyon na!

Ngayong Agosto ay nakatakdang magsagawa ng malaking announcement si Willie Revillame. Ito ang ipinahayag ng TV host sa Wowowin last Tuesday.
“Mga first week ng August, mayroon akong malaking announcement sa inyong lahat. So, abangan n’yo po ‘yan at para malaman natin kung ano’ng mangyayari sa atin.
“Abangan n’yo po ‘yan. Ito po’y desisyon sa buhay, para po sa akin ‘to at para po sa ating lahat. Sana po’y maintindihan n’yo,” ani Willie.
Bagama’t walang sinabi ang TV host kung ang announcement ba niya ay ang inaabangang desisyon niya kung tatakbo siya o hindi sa Senado sa darating na eleksyon, mukhang tuloy na nga ang pagpasok niya sa pulitika dahil sa mga sumunod niyang pahayag.
“Huwag kayong mag-alala hindi ako kenkoy sa Senado. Hindi kami magkekenkoyan. Tutulong, gagawa ng paraan, gagawa ng batas sa mga taong nagugutom. Hindi po magpapatawa do’n,” deklara ni Willie.
“Huwag n’yo namang nilalait ang mga artista. Huwag n’yo naman kaming nilalait dahil kami, malinis ang puso. Kami, ang pag-iisip, walang iniisip. Nasa sa tao ang paggawa ng kawalanghiyaan. Nasa sa ‘yo kung magnanakaw ka. Wala po sa isip ko ‘yan,” paninigurado ni Willie.
Gayunpaman ay wala pa pang kinukumpirma ang TV host at hintayin na lang daw ang desisyon niya.
“Hintayin n’yo ang desisyon ko, huwag n’yo akong pangunahan. Ako ang nakakaalam kung ano ang gusto kong gawin.
“At kung anuman ang tatahakin ko, maniwala kayo sa akin, wala akong gagawing kawalanghiyaan sa inyo. Dahil wala sa isipan ko ‘yan. Kuntento na ako kung anong mayroon ako at masaya ako na magpasaya sa inyo,” ang pangako ni Willie.
Bumubuo ng line-up...
Ngayong Agosto na rin pala magbibigay ng announcement sina Sen. Ping Lacson at Senate President Tito Sotto kung tatakbo ba sila o hindi sa darating na eleksyon.
Maingay na maingay nga ngayon na tatakbong Vice President si Tito Sen at si Sen. Ping ang kanyang running mate sa pagka-Presidente. Ang tsika nga ay bumubuo na sila ng kanilang Senatorial line-up ngayon.
- Latest