Matapos ang dalawang dekada, thankful ang comebacking singer-actress at dating politician na si Cristina `Kring-Kring’ Gonzalez na nabigyan siya ng pagkakataon na mapabilang sa top-rating and long-running action-drama series na FPJ’s Ang Probinsyano na pinagbibidahan at co-director na si Coco Martin.
Ngayon lamang naka-experience sa lock-in taping si Cristina kaya na-culture shock siya noong umpisa dahil iba ang kanyang nakasanayan nung aktibo pa siya sa showbiz at noong wala pang pandemic.
Puring-puri naman ni Cristina si Coco bilang co-actor at director dahil napakabait umano nito at napakagaan na katrabaho maging ang ibang members of the cast.
Thankful din si Cristina na binigyan siya ng magandang role bilang si Dra. Amalia Mante, asawa ni Atty. Fernando Mante na ginagampanan naman ni Christian Vasquez, mga magulang ni Capt. Lia Mante portrayed by Jane de Leon habang si Aya Fernandez naman ay nakatatandang kapatid ni Capt. Lia na isa ring doktora. “Napakagandang comeback vehicle ko itong Ang Probinsyano,” pagmamalaki pa ng dating mayor ng Tacloban City. “Para akong nag-acting workshop at nagkaroon ng refresher course in acting,” aniya pa.
Dahil matagal na nawala sa showbiz si Cristina ay hindi na siya halos kilala ng mga bagong henerasyon pero nakikilala ng young generation at nare-refresh naman ang older generation sa tulong ng top-rating TV series.
Kung ang manonood lamang ang masusunod ay ayaw nilang magtapos ang Ang Probinsyano na mag-aanim na taon na sa darating na September.
Nagiging pahulaan tuloy kung kelan ito magtatapos dahil patuloy itong nagti-trending.
May mga nagsasabi na hanggang September na lamang umano ito habang ang iba ay baka ito abutin hanggang December this year. Pero kapag si Coco umano ang tinatanong ay madalas nitong sinasabi na “Depende po sa (top) management,” ang kanyang tugon.
Lumulutang na rin kasi ang proyektong Batang Quiapo na siya umanong next TV project ni Coco na hango pa rin sa classic hit movie ng yumaong Movie King na si Fernando Poe, Jr.
Since very close si Coco sa kanyang biological grandmother, itinuturing din niyang pangalawang lola ang Movie Queen na si Susan Roces na naiwan na misis ni FPJ.
Jao, aktibo na uli sa showbiz
Nagpapasalamat ang comebacking actor at visual artist na si Jao Mapa dahil kahit kapipirma pa lamang nila recently sa Viva ay dalawang magkahiwalay na proyekto kaagad ang ipinagkatiwala sa kanya ng kumpanya, isang TV series na Puto at ang pelikulang Kung Hindi Man na pinagtatambalan nila ng young star ng Viva na si Rhen Escaño, mula sa direksiyon ni Yam Laranas.
Sa kabila ng kanyang pagiging family man, pinagkatiwalaan pa rin siya ng Viva ng lead role sa unang team-up nila ng Adan star na si Rhen who is more than twenty years his junior.
Noong kasagsagan ng pandemic, nag-focus si Jao sa kanyang pagpipinta na siyang nakatulong nang husto sa kanyang pamilya na maitawid ang kanilang mga pangangailangan.
Ngayong nagbalik-showbiz si Jao, binabalanse naman niya ang kanyang time sa kanyang showbiz career at pagpipinta at pagiging isang family man.
William, wish na magka-teleserye
Natutuwa ang dating matinee idol ng 80’s, ang actor na si William Martinez na meron umano siyang taping ngayong Lunes para sa programang Imbestigador sa GMA. Ipinagdarasal ng actor na sana’y magkaroon umano siya ng teleserye dahil may ilang buwan din siyang kikitain at maaalala umano siya ng mga tao. “Buhay pa po ako at kaya ko pa pong magtrabaho,” ang madalas na sinasambit ni William sa mga taong kanyang nakakausap.