MANILA, Philippines — Dismayado si Atty. Ferdie Topacio sa production staff ng movie project niyang Mamasapano: Now It Can Be Told dahil inabot na sila ng tag-ulan hindi pa natapos ang pelikula.
Halatang galit na ang lawyer-producer ng Borracho Films dahil hindi rin daw siya na-prioritize bilang bago pa lang daw siya sa pagpu-produce.
Nang makausap namin siya sa DZRH noong nakaraang Biyernes, inilabas niya hinaing nito sa shooting ng movie project niyang ito.
Nakunan na raw kasi ang interiors, at ang mahahalagang eksena sa exteriors ay dapat na kunan na noong tag-init. Dapat daw kasi ay ma-replicate ang massacre scene sa Mamasapano na tag-init, tigang ang lupa at natutuyot na ang maisan.
Ang hirap na raw itong kunan ngayong nagsisimula nang umulan.“Eh paano kami mag-shoot ng June… ang sabi nila sa June pa sila puwede, kasi may tinapos pa sila.
“Kung nag-shoot sila ng May 15 to May 30 na grabe ‘yung init, ma-replicate ‘yung conditions ‘yung Mamasapano na massacre, tapos na sana ng end of May. Eh may sinyut pa sila na iba eh,” himutok ni Atty. Topacio.
Bakit na-prioritize pa raw ang ibang proyekto gayung hindi naman daw sila nagkulang sa requirements. “Hindi naman sa nanunumbat ako, wala naman akong pagkukulang sa kanila, pagdating sa pera, pagdating sa props, fully funded ang ating proyekto.
“Wala silang hiniling sa akin na humindi ako. Kaya wala silang reason kung bakit hindi nila tuparin ang kanilang obligasyon na tapusin ‘yung film,” saad ni Atty. Topacio.
“I want to professionalize the industry, at nalulungkot ako na porke’t ako ay bagong producer, wala tayong clout, wala tayong koneksyon, bagito tayo, ginaganyan naman tayo.
“Hindi naman tama ‘yan. Paano uunlad ang industriya kung nagkakanda-letse-letse porke’t ikaw ay bago, hindi ka na priority,” dagdag pa niyang pahayag.
Tinanong ko ang ilang taga-produksyon na involved sa proyektong ito, nagkaroon nga raw sila ng production meeting noong nakaraang Sabado at napagalitan nga raw sila ni Atty. Topacio.
Since, mahirap nang mag-shoot ngayong tag-ulan na, napagdesisyunan na raw nilang i-resume ang shooting sa January next year. May ibang rason pa raw kung bakit na-delay ang shooting ng Mamasapano, pero tinanggap na lang daw nila ang galit sa kanila ni Atty. Topacio.
Kaya ganun na lang ang galit ni Atty. Topacio dahil commitment daw niya ito sa pamilya ng SAF members na namatay doon sa Mamasapano massacre.
May partners pa raw siya na gusto nang mag-back out dahil sa tagal nito.
Text sa akin ni Atty. Topacio kahapon nang kinumpirma ko sa kanya kung sa January na nga ba iri-resume ang shooting; “Yes po, because of adverse weather conditions. I am truly very disappointed with some in our production staff who did not give my project priority, just because I’m a new producer.