Dating aktres na si Deborah Sun, nagmamakaawang bigyan ng trabaho!

Deborah

Santa Ara kung ituring ng veteran actress na si Deborah Sun (Jean Louise Porcuna Salvador) ang actress-entrepreneur na si Ara Mina dahil ito ang nagmagandang-loob na ipagamit sa kanya at sa kanyang mga anak ang isa sa pag-aari nitong condominium unit in Quezon City. 

Bukod sa pagpapatira sa kanila ng kanyang mga anak, madalas pa umano siyang bigyan ng grocery items ni Ara. Nagpapasalamat din siya sa mga tulong mula sa kanyang uncle Ipe (Philip Salvador), King of Talk na si Boy Abunda, Fanny Serrano at ibang mga kaibigan and colleagues in the industry tulad nina Beth Bautista, Amy Perez, Gina Alajar at iba pa. “Nahihiya man akong manghingi ng tulong, kailangan ko itong gawin para sa mga anak ko. Gusto ko sanang magtrabaho pero pati trabaho ay mailap sa akin. Nakadikit na sa pagkatao ko ang droga kahit matagal na akong huminto sa bisyong ito,” pag-amin ni Deborah na isa sa mga discoveries nung 1979 ng yumaong writer-director (ng Regal Films) na si Joey Gosiengfiao.

Si Deborah ay isa sa limang anak ng yumaong actor-director na si Leroy Salvador sa dating actress na si Corazon `Baby’ Porcuna.  Half-sister bale ni Deborah ang actress na si Jobelle Salvador at first cousin naman ng dalawa si Maja Salvador.

Ayon kay Deborah, the late talent manager and supervising producer na si Douglas Quijano ang nagbigay ng kanyang screen name na Deborah at si Mother Lily Monteverde naman ang nagbigay ng Sun kaya naging Deborah Sun. 

Magmula noon ay naging sunud-sunod ang mga pelikula ng actress sa bakuran ng Regal and eventually sa ibang film companies.

Nakasama siya sa pelikulang Temptation Island na si Direk Joey Gosiengfiao rin ang director.  Other movies na kanyang ginawa include Pakawalan Mo Ako, Pasan Ko ang Daigdig at marami pang iba.

Deborah was at the peak of her career when she left for the US in 1989 kung saan siya nanatili until 2004 nang mag-desisyon siyang bumalik ng Pilipinas.

Pabalik na sana siya ng Amerika the following year pero siya’y na-hold sa immigration at hindi na muling nakabalik ng Amerika dahil nakulong siya ng anim na counts ng estafa.  Isang taon at isang buwan umano niya ito pinagdusahan sa kulungan.

Isa umano ang namayapang veteran actress-businesswoman na si Amalia Fuentes sa tumulong sa kanyang maagang paglaya kaya hinding-hindi umano niya makakalimutan ang namayapang actress.

Nang siya’y makalaya ng kulungan ay sinubukan niyang magbalik-showbiz pero aminado siya na nag-iba na umano ang tiwala sa kanya ng mga producer kaya mangilan-ngilan lamang ang kanyang nakukuhang trabaho.

Dahil sa kanyang kabataan at kapusukan ay natuto ring mag-drugs noon si Deborah.

At the peak of her career ay nagkaroon siya ng relasyon sa namayapang actor at ama ng actress na si Aiko Melendez na si Jimi Melendez at nagkaroon sila ng isang anak, ang dati ring actor na si Jam Melendez na kasalukuyang maysakit.

May split personality disorder umano si Jam at iba pang sakit na kailangan ng maintenance meds pero ang nakakalungkot, hindi ito ma-provide ni Deborah dahil wala siyang mapagkunan ng pambili ng gamot.  There are times umano na ibinibigay niya ang resita sa half-sister ni Jam na si Aiko at binibili naman umano nito. Pero hindi umano ito palagian.

“Nahihiya man ako, kinakapalan ko na lamang ang mukha ko na manghingi ng pera para maka-survive kami ng mga anak ko,” pag-amin pa niya. “Trabaho po ang kailangan ko, sana naman po ay bigyan n’yo po ako ng pagkakataong muling makapag-trabaho,” this time ay hindi na napigilan ni Deborah ang mapaiyak.

Ang pangatlo at bunsong anak ni Deborah na si Gemmalyn ay sa Amerika isinilang. May problema rin si Deborah sa kanyang US greencard dahil overstaying na siya sa Pilipinas. 

Dahil sa kakapusan ng pera at panggastos ay hindi maasikaso ng veteran actress ang mga papeles nila ng kanyang bunsong anak.

Sa tulong ni Manila Mayor Isko Moreno ay ginawang scholar student si Gemmalyn at isa ito ngayon sa mga dean’s lister ng PLM (Pamantasan ng Lungsod ng Maynila).

“Maraming tao ang pinagkakautangan ko ng loob,” pag-amin ni Deborah. “Hindi ko alam kung paano ko sila magagantihan pero sobra-sobra ang pasasalamat ko sa kanila,” pahayag pa ng veteran actress na nagmula sa showbiz clan ng mga Salvador.

Show comments