Janice, nainsulto nang tanungin kung bakit nagbebenta sa mga bazaar!

Janice

Na-interview ni Ogie Diaz sa kanyang vlog si Janice de Belen at dito, sinagot ng aktres ang tanong ni Ogie kung na-offend ba siya sa pagli-link sa kanya kay Gerald Anderson?

Malinaw ang sagot ni Janice na hindi siya na-offend sa isyu sa kanila ni Gerald dahil natural lang ito sa mga artista, lalo na kung nagkakasama sa trabaho. Mapansin lang na sweet ang dalawang artista, isyu na at nili-link na sa isa’t isa.

Ang ikina-offend ni Janice ay ‘yung ipinipilit ng ibang tao na totoo ang isyu sa kanila ni Gerald. Hindi rin nagustuhan ni Janice na ang mga litrato nila ni Gerald na ginamit para kunwari ay totoo ang tsismis ay galing sa Instagram niya at kuha sa teleserye ng ABS-CBN na kanilang pinagsamahan. Ayon kay Janice, kung totoo ang isyu sa kanila ni Gerald, itatago niya ang pictures na magkasama sila.

Nabanggit din ni Janice na ang isa pang ikina-offend niya ay ang pagtatanong ng tao kung bakit siya nagtitinda sa mga bazaar gayung artista siya at mayaman siya? Sa halip daw kasi na matuwa ang tao na masipag siya at sumasali sa mga bazaar, iniinsulto pa siya.

Sagot ni Janice, hindi siya kagaya ni Kathryn Bernardo na buhos ang proyekto at may mga endorsement pa. Kailangan daw niyang maghanap ng mapagkakakitaan sa labas ng showbiz.

Masarap magluto si Janice at kung may chance lang kami na makita siya sa mga bazaar, siguradong bibili kami ng mga produkto na kanyang itinitinda.

Mga tao talaga, mema lang, basta may masabi lang kahit hindi maganda.

Derek at Ellen, kinabubuwisitan sa tikiman sa yoga

Deadma sina Derek Ramsay at Ellen Adarna sa reaction ng haters na hindi nagustuhan ang post ni Ellen habang ginagawa nila ni Derek ang Couple Yoga dahil ang ending, magki-kiss lang pala sila. May nag-comment na sana naghalikan na lang sila at hindi na nag-yoga dahil baka mabalian pa sila.

May nag-wish pa nga na sana mabalian ang dalawa sa sobrang inis sa engaged couple.

May nagparatang naman kina Derek at Ellen na publicity stunt ang kanilang ginagawa dahil laos na sila na kinontra ng ibang netizens. Paano raw naging laos ang dalawa kung laging nasa news at laging pinag-uusapan?

Maganda ang suhestiyon ng isa pang netizen na magpakasal na lang sana sina Derek at Ellen para manahimik kahit sandali dahil magiging busy daw sa kanilang married life.

May nagtanong pa pala kung isasama raw ba nina Derek at Ellen si Elias kapag nag-honeymoon sila? Ito ang aabangan natin, but first, kailangan muna nilang ikasal.

Alden, tutuhog ng beauty queens

Magkasunod na beauty queens ang nakakasama ni Alden Richards sa ginagawa niyang teleserye sa GMA 7. Sa The Gift, si Miss Eco International 2018 Thia Tomalla ang kanyang love interest sa first part ng story na pinalitan si Sophie Albert.

Dito sa The World Between Us, si Kelley Day, ang Miss Eco International 2021 naman ang kasama nila ni Tom Rodriguez.

Tuluy-tuloy ang taping ni Alden ng The World Between Us at naka-schedule na yata ang airing ng teleserye at tama ba kaming ito ang ipapalit sa First Yaya?

Kaya nga aabutin ng buwan ang lock-in taping ng cast.

Show comments