Almost paradise actress na si Samantha Richelle, low key sa pagiging royal blood!

Samantha

MANILA, Philippines — Sumisigaw ng Pinoy pride sa crime drama series na Almost Paradise ng ABS-CBN at Electric Entertainment na patuloy na ibibida ang husay at talento ng Pilipino sa huling dalawang linggo nito sa Kapamilya Channel at A2Z. 

Tulad ng mga naunang episodes, lubos na pinaghandaan at ginalingan ng Filipino cast at crew ang mga susunod na mapapanood sa kwento ng dating U.S. secret agent na si Alex Walker (Christian Kane) na bumalik sa pagtutugis sa mga kriminal matapos magretiro sa mala-paraisong isla ng Cebu.

Ayon kay ABS-CBN International Production and Co-Production Division Head Ruel Bayani, layunin talaga nila sa proyektong ito na ipakita sa mundo ang kalidad ng gawang Pinoy.

“Ito ay malaking pagkakataon para maipagmalaki at ipayakap sa mundo ang ating talento at ating kakayahan,” aniya sa ginanap na virtual media conference kahapon kasama ang buong team at main cast ng Almost Paradise.

Lahat ng artistang nagkaroon ng papel dito ay dumaan sa mabusising proseso ng audition, kabilang ang main Filipino cast na sina Nonie Buencamino, Art Acuña, Samantha Richelle, Ces Quesada, at Angeli Bayani, at mga guest star tulad nina ZsaZsa Padilla, Sophia Reola, Richard Yap, Raymond Bagatsing, Noel Trinidad, Lotlot de Leon, Ryan Eigenmann, Ketchup Eusebio at iba pa.

Para ka Ces, nagustuhan niya ang audition para siguradong handa ang mga gaganap sa role. Si Nonie naman, natuwa rin dahil marami siyang naging oras para pag-aralan ang karakter niyang si police chief Ike Ocampo, na aniya ay isang tao may prinsipyo at tapat.

Si Art naman, naging paborito na rin ang karakter na si Detective Ernesto Alamares. Si Samantha naman, maski baguhan ay puring-puri ng kanyang kasamahan at mga producer.

“I had the time of my life just being able to learn from the veteran actors and just the quality of the people’s talents. I was just very fortunate to work with them,” sabi ni Samantha tungkol sa pagkakasama sa programa na daughter ni Prince Jefri Bolkiah ng Brunei pero low key lang siya sa pagiging Royal blood.

Maging sa likod ng kamera ay mga Pinoy rin ang naka-trabaho ng Almost Paradise showrunner na si Dean Devlin, ang CEO ng Electric Entertainment na tanyag na Hollywood producer ng mga pelikula tulad ng Independence Day, Godzilla, at The Patriot. Kabilang dito ang mga Pilipinong direktor na sina Dan Villegas (Episode 4), Francis Dela Torre (Episode 3 and 7), Hannah Espia (Episode 6 and 9), at Irene Villamor (Episode 8).

Ayon kay Dan, bagamat may mga pagkakaiba ang naging sistema nila rito sa nakasanayan ay marami naman silang bagong natutunan.

 Para kay Hannah, patok ang kwento nito sa mga manonood sa mundo dahil sa tema nito at paggamit ng iba’t ibang genre. Ayon naman kay Francis at Irene, ipinakita ng programa sa mundo ang iba pang mukha ng Pilipinas.

 Todo naman ang paghanga ni Dean at ng bidang Hollywood actor na si Christian Kane sa mga Pilipinong nakatrabaho nila.

 Kwento ni Christian, na nakilala sa mga programa at pelikula tulad ng  Angel, Leverage, The Libra­rians, Just Married, at Taxi, tinrato siyang pamilya dito kaya mas naka-pokus siya sa kanyang karakter.

“I was treated more like family there than I have ever been my entire life. It just felt like home. I have some of the best people around me. They welcomed me in and so I got to concentrate on the character and not being away from home.”      

Show comments