Ate Vi, walang nag-flop sa takilya!

Ate Vi

Noong isang araw, nagkakatanungan sa isang chat room kung bakit nga raw tinawag na Star For All Seasons si Congresswoman Vilma Santos.

Early seventies noon eh. Uso na ang mga artista iniisipan ng kanya-kanyang titles. Bigla ngang sumu­lpot ang tawag kay Ate Vi na star for all seasons.

May mga kritiko na nagsasabing iyan ay isang “hurriedly thought of title” na kinopya sa naging best picture noon sa Oscars at Globe awards na A Man for All Seasons na kuwento ng buhay ni St. Thomas More at ginawang pelikula ng director na si Fred Zinnemann na naging best director din sa pelikulang iyon.

Pero hindi ganoon kasimple iyon. Siguro maski si Ate Vi, hindi na inisip kung bakit siya tinawag ng ganoon. Basta nakasanayan na.

Pero hindi ganoon kasimple iyon. Naalala namin maraming taon na nga ang nakaraan, doon pa sa lumang canteen ng Mowelfund, nakakuwentuhan namin ang isa sa kinikilalang haligi ng industriya, si Atty. Espiridion Laxa.  Si Atty. Laxa ang may-ari noon ng Tagalog Ilang-ilang Productions na siyang nag-produce ng maraming pelikula ni Ate Vi. Siya ang nagkuwento sa amin kung bakit star for all seasons si Ate Vi.

Banggit niya na may panahon daw na halos bagsak ang industriya. Mahina ang mga pelikulang comedy at action. Noon kasi marami siyang pelikulang action na ang bida ay ang kapatid niyang si Tony Ferrer. Nauso rin noon ang mga pelikulang bomba, at ayaw nilang gumawa ng bomba. Inamin ni Atty. Laxa na ang bumuhay sa kanyang kumpanya noon at nagbigay ng lakas ng loob din sa maraming producers na magpatuloy pa ay si Ate Vi.

Kahit na raw kasi puro bomba ang mga pelikulang kasabay nila, mas malaki kaysa sa mga iyon ang kita ng pelikula ni Ate Vi. Nagkaroon pa ulit ng isang panahon na dumaming muli ang mga malalaswang pelikula, na tinatawag naman noong pene films, at noon ay tinatalo rin ang mga iyan ng pelikula ni Ate Vi.

Kaya sabi nga ni Atty. Laxa noon, ano mang panahon hindi naibagsak si Ate Vi, “kaya siya tinawag na star for all seasons.”

Sa telebisyon, on record iyan na si Ate Vi ang naging highest paid television star of all time. Siya lang ang nakagawa ng ratings na ang classification noon ay “super, super supreme.” Kaya nga noon natatandaan namin, iyong employees’ union ng GMA 7, basta may hinihingi na ayaw ibigay ng management, nagbabanta ng strike nang Biyernes ng hapon. Kung gagawin nila iyon, hindi makaka-air ang Vilma dahil live sila ‘pag Biyernes ng gabi. Milyun-milyong kita ang mawawala sa network, kaya ibibigay agad kung ano gusto nila. Doon lang din kami nakakita na usually may dalawa o tatlong high network executives na nakabantay sa telecast para masigurong walang problema sa show.

Doon lang din kami nakakita na nasara ang dalawang kalye sa paligid ng Broadway studio ng GMA dahil sa rami ng mga bus na galing probinsiya sakay ang fans na sumugod sa show dahil birthday ni Ate Vi.

At ‘yun ang basehan ng star for all seasons iyan.

Jak, nasapawan na     

Mukhang delikado na raw ang career ni Jak Roberto, dahil pinasikat siya dahil lang sa porma ng kanyang katawan at tinawag na “pambansang abs.”

Wala kaming natatandaang remarkable role niya, at ang natanim lang sa isip ng fans ay guwapo siya at maganda ang kanyang katawan. Eh ngayon nagbibilad na rin ng katawan sa kanilang teleserye si David Licauco, nadagdag pa riyan ang katotohanang napansin din bigla ng mga tao si Derrick Monasterio.

Ano na ang gagawin ni Jak Roberto?

Teejay, nalimutan na ang pagiging matinee idol dahil sa beki serye

May natapos na raw na pelikula si Teejay Marquez, isa iyong comedy na ang partner naman niya ay isang babae.

Maganda naman iyon pagkatapos ng ginawa niyang BL series, na nasundan pa ng isang pelikula ring pambeki.

Baka kung hindi siya gumawa ng ibang projects, makalimutan nang sumikat din siya bilang isang matinee idol sa Indonesia. Baka magaya siya roon sa mga masyadong na-identify sa beki projects.

Nasabi nga namin sa kanya ang tungkol sa isang mahusay pa namang actor, sumikat sa drama bilang leading man ng mga pinakasikat na mga leading actress noong araw, hanggang sa gumawa ng isang beki project, nagkasunud-sunod iyon at ang ending pambeki roles na lang siya.

Ang mga artista, dapat pinag-iisipan talaga lahat ng ginagawa nila.

Show comments